Home NATIONWIDE Mga ospital, code white alert kay #PepitoPH

Mga ospital, code white alert kay #PepitoPH

MANILA, Philippines – Itinaas ng Department of Health (DOH) sa Code White Alert at ang central office nito bilang paghahanda sa banta ng Bagyong Pepito.

Sa pahayag, siniguro ng DOH na naka-standby ang emergency response teams nito sa iba’t ibang rehiyon.

Dahil dito, idineklara ang Code White Alert sa mga apektadong rehiyon tulad ng National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, at Eastern Visayas.

Kabilang din dito ang iba pang rehiyon na maaaring maapektuhan. Ito ay ang Western Visayas Zamboanga Peninsula, at Northern Mindanao.

Bilang bahagi ng Inter-agency Coordinating Council, sisiguruhin ng DOH ang close coordination ng ahensya sa lahat ng Centers for Health Development (CHDs) and Regional o Provincial Disaster Risk Reduction and Management Offices sa pangangailangan sa bawat typhoon-affected region.

“May magagawa po tayo ngayon na mismo para protektahan ang ating pamilya at sarili. Lumikas ayon sa abiso ng lokal na pamahalaan. Umalis na sa mga lugar na bahain o kaya maaaring maglandslide. Lalo na po ang may sakit, buntis, bata, seniors, at PWDs. Handa po ang mga ospital at klinika ng DOH – sasamahan po namin kayo sa unos na ito. Makinig po sa abiso ng ating gobyerno,” pahayag ni Secretary Teodoro Herbosa.

“Atin din pong sundin ang abiso na ipagpaliban muna ang byahe sa malalayong lugar kagaya ng Bicol, Quezon, at iba pang lalawigang dadaanan ng bagyo para hindi mastranded. Antabayanan din ang anunsiyo para sa mga paaralan para ligtas ang kabataan,” dagdag pa niya. RNT/JGC