MANILA, Philippines – Pababantayan nang todo ng pamahalaang panlalawigan sa mga barangay tanod ang mga paaralan para matiyak ang kasiguruhan at kaligtasan ng mga mag-aaral sa lalawigang ito.
Ito ang sinabi ni Governor Daniel Fernando sa harapan ng 200 Bulakenyong dumalo at nabigyan ng alagang hayop gaya ng kambing sa ilalim ng Animal Distribution Program nitong umaga ng Biyernes, Hunyo 3 sa isang gusali sa kapitolyo, lungsod ng Malolos.
Aniya, nitong Huwebes ay pinirmahan niya ang isang Executive Order na nag-uutos na bantayan mabuti ng mga barangay tanod ang mga paaralan dito.
“Kahapon pinirmahan ko yung Executive Order na lahat ng Barangay Tanod ay dapat nakabantay, yung iba doon sa eskuwelahan. Bantayan nila mabuti,” anang gobernador.
Bagaman may mga metal detectors na ang ilang mga paaralan ay mas makabubuting mabantayan pa rin ng mabuti para matiyak ang kasiguruhan at kaligtasan ng mga ito, dagdag pa niya.
Sinasabing maagap na namigay kamakailan ng handheld metal detectors ang pamahalaang lungsod ng Malolos sa inisyatiba ni Mayor Chtistian Natividad at sumunod din ang pamahalaang bayan ng Plaridel sa pangunguna ni Jocell Vistan Casaba.
Kaugnay nito, una nang ipinag-utos ni PCOL Jay Baybayan, Bulacan Police Director ang pagbabantay ng dalawang pulis hanggat may klase sa mga paaralan sa lalawigang ito.
Naging tugon ito matapos ang pamamaril ng dalawang menor de edad na ikinamatay ng tatlo at ikinasugat ng ilang kapwa nila mag-aaral sa Tacloban City kamakailan. Dick Mirasol III