Home NATIONWIDE Mga pagpatay dahil sa takot kay Duterte — ICC prosecutor

Mga pagpatay dahil sa takot kay Duterte — ICC prosecutor

155
0

THE HAGUE — Iginiit ng prosekusyon at counsel para sa mga biktima sa International Criminal Court (ICC) na lumikha umano si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng mga “mini-Dutertes” na naging “blood-thirsty” dahil sa takot at sistemang kanyang itinanim sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang alkalde at presidente.

Sa pagbubukas ng confirmation of charges hearing, sinabi ni Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang na pinalakas umano ni Duterte ang loob ng mga pulis at armadong tauhan ng tinaguriang Davao Death Squad (DDS) sa ilalim ng “cloud of fear” na kanyang nilikha bilang “de facto authority.”

“[This is] a reminder that those in power are not above the law,” ani Niang.

Ayon sa prosekusyon, may istriktong hierarchy sa operasyon kung saan kinakailangan ang “clearance” mula sa itaas bago isagawa ang isang pagpatay.

Binanggit din ang umano’y “cash per head” na insentibo at mabilis na promosyon para sa mga makakatupad sa target.

Nahaharap si Duterte sa dalawang bilang ng murder at isang bilang ng murder at attempted murder kaugnay sa pagkamatay ng 78 katao sa kampanya kontra droga — kabilang ang 19 sa Davao City (2013–2016), 14 “high-value targets” (2016–2017), at 45 katao sa barangay clearance operations (2016–2018) kung saan tatlong bata ang nasawi.

Samantala, iginiit ng abogado ng mga biktima na si Joel Butuyan na umaasa ang mga pamilya sa pag-usad ng kaso upang makamit ang hustisya.

“This case symbolically represents the last boat the victims can board… There is absolutely no other recourse for the victims,” ani Butuyan.

Mariing itinanggi naman ng lead defense counsel na si Nicholas Kaufman ang paratang at tinawag na “fictitious construct” ang DDS.

Aniya, “This is a court of law… not political demagoguery.”

Inakusahan din ni Kaufman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng umano’y tangkang i-neutralize si Duterte, bagay na agad pinabulaanan ng Malacañang.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, naisampa ang kaso sa ICC noong 2017, panahong pribadong mamamayan pa si Marcos.

“He seems to be the one suffering from severe cognitive impairment… because he tremendously forgets the timeline,” ani Castro.

Binigyang-diin ng Palasyo na dapat maglatag ng malinaw na depensa ang kampo ni Duterte sa halip na magbintang. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here