MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian nitong Biyernes, Oktubre 23, ang pamamahagi ng tulong pinansyal at tulong sa mga biktima ng kamakailang insidente ng sunog sa Davao City na naganap noong Oktubre 15.
Binisita ni Secretary Gatchalian ang mga apektadong residente sa Kasilak Gym sa Barangay 76-A Bucana, gayundin ang Leon Garcia National High School, Emmanuel Garcia Elementary School, at ang ground zero site sa Barangay Leon Garcia.
“Pinapunta po kami ni Pangulong Bongbong Marcos ng personal para masigurado ang mga pangangailangan ng mga biktima ng sunog ay natutugunan ng pambansang pamahalaan. Nasa taas kayo ng listahan ng ating Pangulo dahil alam niya ang nangyari,” sabi ni Secretary Rex Gatchalian sa pamamahagi.
Sa datos ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), 1,074 pamilya o 2,507 indibidwal ang naapektuhan sa Barangay Leon Garcia, kung saan 1,062 na bahay ang ganap na nawasak at 12 ang bahagyang nasira.
Sa Barangay 76-A Bucana, 79 na pamilya o 246 na indibidwal ang naapektuhan, kung saan 38 bahay ang ganap na nawasak at siyam ang bahagyang nasira.
Sa kabuuan, naapektuhan ng dalawang insidente ng sunog ang 1,153 pamilya o 2,753 indibidwal sa magkabilang barangay.
Kaugnay nito upang bigyang-daan ang kanilang agarang paggaling, naglabas ang DSWD Field Office (FO) 11 – Davao Region ng Php10,000 na cash aid sa bawat isa sa 1,153 pamilya sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program, na may kabuuang P11.53 milyon na cash aid.
Samantala namahagi din ang DSWD ng mga essential food and non-food items (FNFIs), kabilang ang mga family food packs (FFPs), ready-to-eat meal, hot meal, family clothing kits, kitchen kits, hygiene kits, at sleeping kits, kaya umabot sa Php23.5 milyon ang kabuuang tulong na naibigay.
Tiniyak ng DSWD chief sa mga nasunugan na ang mga ahensya ng pambansang pamahalaan ay nagtutulungan para suportahan ang kanilang pangmatagalang rehabilitasyon at katatagan.
“‘Yung nangyari, nagpadala agad tayo ng mga pagkain at non-food items. Ngayon, may cash assistance. Hindi man ho kaya namin palitan ang lahat ng nawala, pero ang importante ay naalala namin kayo, naiintindihan namin kayo, at sisikapin namin ang puwedeng gawin para matulungan pa kayo,” ipinunto ni Secretary Gatchalian.
Higit pa sa agarang tulong, kinumpirma ni Secretary Gatchalian na nakikipag-ugnayan na ang DSWD sa iba pang ahensya ng gobyerno, partikular sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa ilalim ni Secretary Jose Ramon Aliling, para matugunan ang kanilang pangmatagalang pangangailangan sa pabahay.
“Nakipag-ugnayan na kami kay Secretary Aliling ng Department of Housing kasi syempre importante makapag simula sila sa kanilang tahanan.” Santi Celario