MANILA, Philippines – Pagkatapos ng paghagupit ng bagyong Kristine at Leon sa bansa, isa na namang bagyo ang inaasahang tatama sa bansa.
Dahil dito, ang Philippine Ports of Authority (PPA) ay maagang nag-abiso sa lahat ng mga port management offices (PMOs) sa buong bansa na agad na ipatupad ang mga hakbang sa posibleng epekto ng bagyong Marce.
Ayon sa PPA, ito ay upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero lalo na sa mga pantalan na unang naapektuhan ng nagdaang bagyong Kristine.
Sa pahayag ng PPA, bagama’t mayroong mga naitalang nasirang port facilities dahil sa bagyong Kristine, lahat naman ng mga pantalan ay fully operational at bumalik na sa normal ang mga biyahe.
Inatasan rin ng PPA ang lahat ng port manager na palagian makipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, shipping lines, at port terminal management operators para maging updated sa sitwasyon.
Sakali naman magkaroon ng mga stranded na pasahero dahil sa sama ng panahon, handa ang PPA para tulungan ang mga apektadong pasahero. Jocelyn Tabangcura-Domenden