MANILA, Philippines – Iniutos ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa lahat ng yunit ng pulisya na sumunod sa tamang operasyon at etikal na pamantayan matapos ang warrantless raid sa Taguig City noong Peb. 9.
Binigyang-diin niya na ang paglabag sa mga alituntunin at karapatan ng mamamayan ay papatawan ng kaukulang parusa tulad ng pagkatanggal sa serbisyo, demotion, suspensyon, at kasong kriminal. Iginiit din niya ang kahalagahan ng transparency at tiwala ng publiko.
“The PNP is committed to upholding the highest standards of discipline and professionalism. Any actions that violate police operational procedures and the rights of our citizens will not be tolerated, and appropriate sanctions will be imposed,” aniya pa.
Isang viral na video ang nagpakita ng mga pulis na naka-civilian na pumasok sa bahay ng isang babae nang walang search warrant.
Ang babae ay naabswelto sa kasong droga noong 2022. Inakusahan din ang mga pulis ng pananakit sa kanyang 14-anyos na anak at pagkuha ng cellphone nito. Ayon sa mga ulat, madalas umanong magsagawa ng raid nang walang warrant sa lugar na kilala bilang “Block 5.”
Agad na inalis ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga sangkot na pulis at kanilang superbisor at kinumpiska ang kanilang mga baril habang iniimbestigahan.
Kinumpirma ni NCRPO chief Brig. Gen. Anthony Aberin na isinampa na ang mga kasong robbery, grave coercion, physical injury, obstruction of justice, malicious mischief, at paglabag sa Republic Act 7610 laban sa 10 pulis.
Susuriin ng Department of Justice kung may sapat na ebidensya para sa pagsasampa ng kaso sa korte. Santi Celario