MANILA, Philippines- Bibili ang Bureau of Corrections (BuCor) ng mga sando at suplay ng tubig para mga persons deprived of liberty (PDLs) sa lahat ng pasilidad ng BuCor.
Sa gitna ito ng nararanasang init sa bansa at posibleng tumindi pa sa pagpasok ng panahon ng tag-init.
Inatasan na ni Director General Gregorio Catapang Jr. si CT/CSupt. Ma. Cecilia Villanueva, acting director for Health and Welfare Services (DHWS) at chief ng New Bilibid Prison Hospital na asikasuhin ang pagbili ng mga sando at tubig.
Ipinag-utos naman ni Villanueva sa lahat ng Health service chiefs na i-monitor at ipatupad ang lahat ng posibleng preventive actions.
Mayroon lamang 24 oras ang Health service chiefs para magsumite ng update.
Naglabas na rin ng memorandum si Villanueva na nagbababala sa lahat hinggil sa mga karaniwang sakit tuwing tag-init. Teresa Tavares