Home METRO Mga pekeng dentista tiklo sa Marawi, Cotabato

Mga pekeng dentista tiklo sa Marawi, Cotabato

MANILA, Philippines – Arestado sa magkahiwalay na entrapment operation sa Marawi at Cotabato ang dalawang babae na umano’y nagsasagawa ng dental procedures kahit na walang kaukulang lisensya.

Kinilala ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group-Bangsamoro Autonomous Region (CIDG-BAR) ang mga pekeng dentista na sina alyas “Biai,” 23, at alyas “Hafsah,” 30.

Si Alyas Biai ay naaresto sa kanyang clinic sa Barangay Rosary Heights, Cotabato City habang si “Hafsah” ay naaresto sa Barangay Malutlut, Marawi City.

“After casing and surveillance it turns out na ang report na natanggap ng office namin ay totoo. May nagpanggap na poseur patient na from the CIDG. Nung tinanggap naman ni suspek, ayun, nagkaroon na ng practice. Kumbaga, ini-execute na ni suspek kung ano yung usual na ginagawa ni dentist,” pahayag ni CIDG-BAR Chief, Lt. Col. Ariel Huesca.

Sinabi ng CIDG-BAR na sinusundan na nila ang mga umano’y illegal na aktibidad ng mga suspek.

Nakuha sa mga ito ang mga kagamitan na ginagamit ng mga suspek sa kanilang illegal practice.

“It will lead to a fair conclusion na matagal na sila nag-engage sa illegal practice of dentistry at marami na silang pasyente or kliyente. Marumi ang surroundings, pati ang tools nila, marumi rin,” ayon kay Huesca.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Philippine Dental Act of 2007 (RA9484).

Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa publiko na alamin muna kung ang dentisya ay peke sa pagmamasid sa mga business permit at iba pang licenses to operate nito. RNT/JGC