Bulacan – Arestado ang matandang binata na bumili ng chicken dress atnagbayad ng pekeng pera sa isang pamilihan sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).
Kinilala ng pulisya ang naarestong suspek na si alyas Diome, 54, unemployed, residente ng Brgy. BB2.
Sa report ng SJDM police station kay Bulacan Police director PCOL. Relly Arnedo, nangyari ang insidente bandang 12:30 ng tanghali nitong Mayo 17 sa Brgy. Muzon Proper.
Ayon sa report, nagkunwaring customer at bumili ng 2 kgs chicken dress na nagkakahalagang P340 ang suspek sa vendor na nagngangalang Allan kapalit ang P500 bilang kabayaran.
Natuklasan ng tindero na peke ang P500 bill na ibinayad sa kanya ng suspek kaya humingi siya ng saklolo sa mga tauhan ng barangay.
Agad naman rumesponde ang mga tauhan ng kanilang barangay kaya napigil ang suspek at nang kapkapan ay nakuha pa sa kanya ang umanoy pekeng P3,500 bill.
Dahil dito, isinuko kalaunan ng mga tauhan ng barangay ang suspek sa pulisya na nahaharap sa kaukulang kaso habang nakakulong sa naturang istasyon. (Dick Mirasol III)