Home HOME BANNER STORY Pag-antala sa taas-kontribusyon sa PhilHealth suportado ng DOH

Pag-antala sa taas-kontribusyon sa PhilHealth suportado ng DOH

MANILA, Philippines – Suportado ng Department of Health panukala ng ilang mambabatas na iantala ang pagtaas ng premium contribution ng mga miyembro ng PhilHealth sa 5%, na binabanggit ang magandang kalagayang pinansyal ng state insurer.

Sinabi ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na nakipagpulong ang Philhealth Board sa pangunguna ni Health Secretary Ted Herbosa sa mga kinatawan ng DOH, DSWD, DOLE noong Mayo 8 para talakayin ang isyu.

“Sa suma-total, nakita namin, pinakita ng Department of Finance iyong estado ng pera ng PhilHealth. So, nakita nga natin doon na, actually iyong dami ng pera ng PhilHealth, hindi naman siya at risk of being closed – far from it, in fact, maganda iyong kanyang financial health. At dahil sa kagandahan ng financial health niya is ini-improve na nga iyong sinasabing benefit delivery,” sabi ni Domingo sa televised briefing.

Sa pagpupulong, sinabi ni Domingo na nagpasya ang board na baguhin ang premium ngunit binanggit nito na susunod ito sa Universal Healthcare Act, na nag-uutos sa Philhealth na taasan ang kontribusyon nito taun-taon sa mga dagdag na 0.5% hanggang umabot ito sa 5% mula 2024 hanggang 2025.

Ilang mambabatas ang nagmungkahi na panatilihin ang mga kontribusyon sa 4% at pagkatapos ay dagdagan ito sa mas maliit na rate na 0.25% taun-taon hanggang 2028, sabi ni Domingo.

Ayon kay Domingo, may mga sendir na rin na nagpanukala na puwedeng baguhin itong premium rate o iyong 5%.

“Sabi nga ni Senator JV, “Gawin nating 4% na lang muna tapos ang taas, mas maliliit…” by 0.25% hanggang 2028,” ani Domingo.

“Si Cong. Stella (Quimbo) naman, iyong proposal niya, gawin natin according to what is actuarially fair – ipapa-compute natin sa mga dalubhasa/eksperto sa pagtingin sa mga financial statements at doon natin makikita but not to go lower than 4%.”

Sinabi ni Domingo na suportado ng DOH ang mungkahi hangga’t maibibigay pa rin ng PhilHealth ang mga serbisyo nito sa mga miyembro nito.

“Kami sa DOH, we support that as long as our benefits are going to be delivered, the answer is yes; and as long as we will have a sustainable health financing system in the future, and the answer is still yes so this is a winning proposal,” sabi pa ni Domingo.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)