Home NATIONWIDE Mga personalidad na makakatuwang ni Yorme sa Maynila isinapubliko na

Mga personalidad na makakatuwang ni Yorme sa Maynila isinapubliko na

MANILA, Philippines – ISINAPUBLIKO na ang unang batch ng mga department heads na makakasama ni incoming Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na kanyang makakatuwang sa pamamahala na magsisimula sa katanghalian ng Lunes, Hunyo 30, 2025.

Matatandaan na una nang pinangalanan ni Yorme Isko ang kanyang magiging Chief of Staff na si dating Presidential Communication Office (PCO) Secretary Cesar Chavez habang magsisilbi namang Secretary to the Mayor si dating 8th term 3rd District Councilor Manuel “Letlet” Zarcal na ama ng kasalukuyang Councilor na si Timothy Oliver “Tol” Zarcal.

Itinalaga namang City Administrator si dating 4th District Councilor Atty. Wardee Quintos habang magbabalik naman bilang hepe ng Manila Department of Social Welfare si Jay Reyes Dela Fuente.

Inilagay naman sa pwesto bilang bagong hepe ng Manila Sports Council ang kasalukuyang Chairman ng Barangay 56 na si Dale Evangelista, si E-Jhay Talagtag bilang hepe ng Manila Public Information Office (PIO) at Hiroshi Umeda sa Public Employment Service Office o PESO.

Magiging hepe naman ng Department of Tourism, Culture, and Arts of Manila si Cristal Bagatsing habang si dating 6th District Councilor Joel Par ang mamumuno sa Barangay Bureau at muli namang magbabalik bilang hepe ng City Personnel Office si Jo Quintos.

Inaasahan naman na sa mga susunod na araw ay isasapubliko na din ang ilan pang mga department heads na makakasama ni Yorme Isko sa kanyang “walang tulugan” na pamamahala sa Lungsod ng Maynila na magsisimula na sa susunod na linggo.

Nauna ng binanggit ni Domagoso na hindi niya gagalawin ang mga kawani na seryosong nagtatrabaho at naglilingkod ng tapat sa taumbayan. JAY Reyes