MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Pilipinong nasaktan matapos yanigin ng magnitude 6.7 na lindol ang Lae City, ang ikalawang pinakamalaking lungsod sa Papua New Guinea, noong Oktubre 7.
“No damage was reported in Lae. According to the Philippine Embassy in Port Moresby, the Filipino community in Lae City and surrounding areas are safe,” ayon sa pahayag ng DFA nitong Miyerkules.
Patuloy umanong minomonitor ng DFA ang sitwasyon katuwang ang Philippine Embassy sa Port Moresby, na nag-ulat din ng magnitude 5.0 na lindol na naramdaman sa kabisera sa parehong araw.
Tinatayang may 36,000 Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa Papua New Guinea.
Samantala, iniulat din ng DFA na walang Pilipinong kabilang sa mga naipit sa blizzard sa Mt. Everest nitong nakaraang weekend, kung saan halos 1,000 hikers ang na-trap dahil sa matinding pag-ulan ng niyebe.
Lahat ng mga naipit ay ligtas nang nailigtas at nakarating sa Qudeng Township at kalapit na lugar. RNT