Home NATIONWIDE Bagong US ambassador sa Pinas, itinalaga ni Trump

Bagong US ambassador sa Pinas, itinalaga ni Trump

373
0

MANILA, Philippines – Itinalaga ni US President Donald Trump si Lee Lipton, isang negosyanteng mula Florida at kasalukuyang interim representative sa US Mission to the Organization of American States (OAS), bilang bagong embahador ng Estados Unidos sa Pilipinas, ayon sa anunsiyo ng White House nitong Huwebes (Miyerkules sa Washington).

Papalitan ni Lipton si MaryKay Carlson, na nagsilbi bilang ambassador ng US sa Maynila mula pa noong 2022. Kailangang dumaan muna sa kumpirmasyon ng US Senate ang kanyang nominasyon.

Si Lipton ang unang non-career diplomat na itatalaga sa Maynila sa mga nakalipas na taon.

Malugod namang tinanggap ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez ang nominasyon at tinawag itong “magandang senyales,” dahil malapit umano kay Trump si Lipton.

Ayon sa US State Department, pinamumunuan ni Lipton ang operasyon at koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno ng US sa OAS, kabilang ang pagtugon sa mga regional security threats at pagsugpo sa “malign influence” ng Chinese Communist Party (CCP) sa rehiyon.

Bago pumasok sa serbisyo publiko, pinangunahan ni Lipton ang isang matagumpay na apparel business sa New York, na nagdisenyo at nagbenta ng mga koleksiyon para sa Calvin Klein, St. John Knits, at Guess, bago lumipat sa hospitality industry at magmay-ari ng ilang kilalang restoran sa Florida.

Mayroon siyang mahigit 25 taon ng karanasan sa pribadong sektor, at nagtapos ng bachelor’s degree sa Bryant University. Si Lipton ay 45 taon nang kasal at may dalawang anak na lalaki. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here