FRANCE – Hinimok ng Philippine Embassy in Paris ang mga Pilipinong naninirahan sa France na maghanda ng 72-hour emergency kits at magsagawa ng mga pag-iingat sa gitna ng sunod-sunod na protesta sa bansa.
Sa isang advisory nitong Lunes ng gabi (Manila time), Nobyembre 2, sinabi ng embahada na pinayuhan ng mga awtoridad sa France ang publiko na maghanda ng mga pangunahing suplay na kakailanganin sa loob ng 72 oras bilang bahagi ng paghahanda ng pamahalaan sa posibleng mga krisis.
Pinayuhan din ang mga Pilipino na tiyaking madaling makuha ang kanilang mga pasaporte, residence permit at iba pang mahahalagang dokumento.
Hinimok din silang magtabi ng cash na euro sakaling hindi gumana ang mga electronic payment system, magtakda ng paraan ng komunikasyon at meeting place kasama ang pamilya, at regular na subaybayan ang mga opisyal na abiso ng pamahalaan.
Nagsimula ang mga demonstrasyon sa France noong Setyembre nang magprotesta ang mga estudyante laban sa hindi maayos na kondisyon sa mga paaralan, kakulangan ng mga guro at siksikang silid-aralan.
Kalaunan, lumawak ang protesta at naging mas malawak na kilusan laban sa tumataas na presyo ng mga bilihin, mababang sahod at paghina ng kalidad ng mga serbisyong pampubliko.
May ilang demonstrasyon na nauwi sa karahasan, kabilang ang mga sagupaan ng mga nagpoprotesta at pulisya, pagnanakaw at paninira ng mga ari-arian sa ilang lungsod.
Ayon sa French Interior Ministry, nasa 410,000 katao ang lumahok sa mga protesta sa buong bansa noong Oktubre 24.
Daan-daang libo rin ang muling nagmartsa noong Oktubre 31, habang naitala ang ilang sagupaan sa Paris at iba pang lungsod.
Muling nagpatuloy ang mga protesta ng mga estudyante noong Nobyembre 2 matapos ang dalawang linggong bakasyon sa paaralan.
Iniulat ng mga awtoridad na 48 sa 3,700 high school sa France ang naharang o naapektuhan ng protesta sa ilalim ng mahigpit na seguridad, kabilang ang mga paaralan sa Paris, Rennes at Lyon.
Naapektuhan din ang 51 sa 184 na institusyon ng higher education sa bansa.
Samantala, nanawagan ang mga labor union ng nationwide strike sa Nobyembre 5 upang igiit ang mas mataas na sahod, aksyon laban sa pagtaas ng gastusin at pagpapabuti ng mga serbisyong pampubliko.
Posible itong magdulot ng karagdagang abala sa transportasyon, edukasyon at iba pang sektor.
Tiniyak naman ng embahada na handa itong tumulong sa mga Pilipinong mangangailangan ng agarang assistance. RNT/JGC