Home NATIONWIDE Mga Pinoy sa Kuwait pinaalalahanan vs ‘unauthorized public gathering’

Mga Pinoy sa Kuwait pinaalalahanan vs ‘unauthorized public gathering’

MANILA, Philippines- Pinagsabihan ang mga Pilipino sa Kuwait na sumunod sa local laws at pinaalalahanan na mahigpit na ipinagbabawal ang ‘unauthorized public gathering’ sa Gulf state.

Sa katunayan, nagpalabas ang Philippine Embassy sa Kuwait ng isang abiso ilang araw matapos na arestuhin sa Qatar ang mga Pilipino na sumali sa rally na itinuturing ng Qatari authorities bilang ‘unauthorized political demonstration.’

“The Philippine Embassy in Kuwait calls on members of the Filipino community to respect and comply with all laws and regulations of Kuwait, including the prohibition of unauthorized gatherings,” nakasaad sa abiso.

“This reminder is for the safety and well-being of our community here in Kuwait, and to avoid any legal complication that may arise from non-compliance with local laws and regulations in Kuwait,” ayon pa rito.

Samantala, pansamantalang pinalaya ng mga awtoridad sa Qatar ang 17 Pilipinong inaresto dahil sa political demonstrations bilang bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong March 28, 2025.

Sinabi ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Cacdac sa isang briefing sa Malacañang na pansamantalang pinalaya ang 12 lalaking OFW at ang limang babaeng OFWs habang naghihintay ng imbestigasyon.

Ayon pa rin kay Cacdac, ang 17 ay nahaharap sa imbestigasyon para sa ilegal na pagpupulong at pagtitipon nang walang permit at maaaring  mapatawan ng parusa na anim na buwan hanggang tatlong taong pagkakulong at multang 10,000-50,000 Qatar riyal ang mga kung mapatutunayang nagkasala.

Ibig sabihin, pinayagan ang mga ito na makapagpahinga muna kasama ang kanilang mga pamilya sa Qatar, ngunit hindi maaaring bumalik ng Pilipinas ang mga ito.

Tinuran pa rin ni Cacdac na inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DMW na magbigay ng legal at welfare assistance sa mga sangkot na Pinoy. Kris Jose