MANILA, Philippines – Binisita ng mga tauhan mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang ilang Filipino na nasa ospital sa Tel Aviv, Israel, sinabi ng Philippine Embassy nitong Lunes, Hunyo 30.
“Binisita ng OWWA Team ng Embahada ang ilan nating mga kababayan nating ginagamot sa ospital o kasalukuyang nagpapagaling sa pangangalaga ng ating mga [Filipino Community] leaders,” ayon pa sa embahada.
Bukod dito, namigay din ang ahensya ng relief packages at legal assistance para makakuha ng mga benepisyo.
“Kinumusta ni OWWA Welfare Officer Karen Padduyao ang kanilang kalagayan at dinalhan sila relief packages. Tinutulungan din sila ng abogado ng OWWA upang makuha ang kanilang karampatang mga benepisyo,” ayon pa sa embahada.
Ang pagbisita ng OWWA ay kasunod ng tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Ayon sa Philippine Embassy in Israel, isang Filipino ang nananatiling nasa kritikal na kondisyon matapos magtamo ng severe at life-threatening injuries.
Sumailalim ito sa dalawang operasyon at ginagamot sa ICU ng Shamir Medical Center.
Samantala, pito iba pang Filipino ang nakalabas na ng ospital.
Kabuuang 149 Filipino ang nawalan ng tirahan dahil sa impact ng missile. Sa naturang bilang, 131 ang inilipat sa pansamantalang housing accommodations at shelters ng Department of Migrant Workers habang ang 18 ay ipinoproseso ang kanilang resettlement. RNT/JGC