MANILA, Philippines – Ligtas kainin ang mga tawilis na nahuli mula sa Taal Lake, sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Ito ay kasunod ng pahayag ng whistleblower na ang mga katawan ng mga nawawalang sabungero na dinukot noong 2021 ay itinapon sa naturang lawa.
Ayon sa BFAR, ang tawilis ay karaniwang nananatili sa mababaw na bahagi ng tubig at ang kinakain lamang ay plankton.
“Wala pong dapat ipangamba kasi unang una, itong tawilis, small pelagic fish po siya at ang pagkain niya nga po, ‘yung mga planktons na kabilang na diyan ‘yung mga plant-based planktons, at hindi po sila masabi nating carnivorous,” sinabi ni BFAR chief information officer Nazzer Briguera sa panayam ng GMA News.
Nilinaw din ng ahensya na ang iba pang isda katulad ng tilapia at bangus na karaniwang pinapalaki sa mga fish pen, ay hindi nakakalangoy sa iba-ibang bahagi ng Taal Lake.
Sa ulat, bumaba umano ang kita ng mga nagtitinda ng isda sa lugar dahil sa pangamba ng mga consumer na maaaring nakain ng mga isda ang bangkay ng mga itinapong sabungero. RNT/JGC