NANGAKO ang Philippine Embassy at consuls general sa Estados Unidos na paiigtingin ang kanilang engagement o pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng Estados Unidos upang matiyak ang kapakanan ng mga filipino na naninirahan doon sa gitna ng hindi inaasahang pagbabago sa immigration policy sa ilalim ni President-elect Donald Trump.
Sa isang kalatas, nangako ang Philippine ambassador at consuls general na ipagpapatuloy nila ang pagbibigay ng consular services sa mga Filipino maging anuman ang kanilang immigration status.
Nagpulong ang mga ito noong December 10 at 11 kung saan pinag-usapan ang malawak na sakop ng usapin na may kinalaman sa regulasyon na ipatutupad ng administrasyong Trump lalo na sa immigration policy nito.
“The Heads of Posts understand the uncertainty felt by certain segments of the Filipino community in the United States following recent pronouncements by the incoming administration,” ayon sa mga ito.
Muli namang pinagtibay ng mga ito ang kanilang commitment sa pagsuporta at pagbibigay ng tama at angkop na consular aid sa mga Filipino national habang ginagalang ang batas sa Estados Unidos.
Ang miting ay isang mahalagang hakbang upang tiyakin ang ‘unified, coordinated, at effective response.’
Nauna rito, muling iginiit ni US President-elect Donald Trump na ipade-deport niya ang mga ilegal na imigrante at poprotektahan naman ang tinatawag niyang “dreamer” immigrants.
Nais din niyang ipatigil ang birthright citizenship, o ang pagiging US citizen ng mga sanggol na doon isinilang kahit ano pa ang nasyunalidad ng mga magulang.
Sa ulat ng Reuters, sinabing inihayag ni Trump ang mga plano nitong gawi sa “Meet the Press with Kristen Welker” na ipinalabas sa NBC News nitong Linggo.
Sa sandaling pormal na maluklok sa White House sa Enero 20, 2025, inaasahan na magdedeklara umano si Trump na national emergency dahil sa usapin ng illegal immigration na magbubunsod ng malawakang crackdown.
Tinataya ng US Department of Homeland Security na nasa 11 milyon ang imigrante na ilegal na nasa Amerika hanggang Enero 2022, na posibleng mas mataas pa umano.
Nang tanungin ni Welker si Trump kung plano niyang ipa-deport ang lahat ng walang legal status, tugon niya, “I think you have to do it.”
“It’s a very tough thing to do. You know, you have rules, regulations, laws,” patuloy niya.
Sinabi rin ni Trump na nais niyang magkaroon ng kasunduan upang protektahan ang mga tinatawag niyang “dreamer” na imigrante. Sila ang mga ilegal na dinala sa US noong mga bata, at sinabi niyang bukas ang mga Republican sa ideyang ito.
Samantala, sinabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na maraming filipino na ilegal na nananatili sa Amerika ang labis na nag-aalala, inaasahan na nila na tutuparin ni Trump ang kanyang campaign promise na paglulunsad ng mass deportation ng mga immigrants. Kris Jose