MANILA, Philippines- Pinayuhan ang mga Pilipinong naninirahan at bumibisita sa northern Vietnam ngayong linggo na mag-ingat sa malakas na pag-ulang inaasahang tatama sa ilang probinsya, base sa Philippine Embassy sa Hanoi.
Sa abiso nitong Agosto 12, sinabi ng embahada na nakaamba ang malakas na pag-ulan sa pagitan ng 100 hanggang 250 mm sa northern portion ng Vietnam at hanggang 400 mm ng rainfall sa ilang lugar mula Aug. 11 hanggang 15.
“Due to recent continuous heavy rain in the Northern portion of Vietnam, there is a very high risk of flash floods in low-lying areas and landslides in the mountainous areas,” anito.
Ang mga Pilipinong naninirahan, nagtatrabaho, o bumibisita sa lugar ay “strongly advised to take extra precaution and ensure full cooperation with local authorities in case of severe weather conditions.”
Kabilang sa mga mino-monitor na lugar ang Dien Bien, Lai Chau, Son La, Hoa Binh, Lao Cai, Yen Bai, Ha Giang, Tuyen Quang, Phu Tho, Cao Bang, Bac Kan, Thai Nguyen, Lang Son, Bac Giang, Bac Ninh, Quang Ninh, Vinh Phuc, Hanoi, Ha Nam, Hai Phong, Nam Dinh, Ninh Binh, Thai Binh, Thanh Hoa, at Nghe An.
Sakaling malagay sa emergency situation, ang mga Pilipino ay hinihikayat na makipag-ugnayan sa Assistance-to-Nationals section ng embahada via +84 90 4126164.
Mula Hulyo, nakararanas ang north at north-central regions ng Vietnam ng malakas na ulan, na nagdudulot ng pagbaha at pagguho ng lupa. RNT/SA