Home METRO Mga plataporma ng TODA party-list inilatag sa Meet the Press Forum sa...

Mga plataporma ng TODA party-list inilatag sa Meet the Press Forum sa NPC

Naging mabunga ang talakayan sa isinagawang MEET THE PRESS Forum sa National Press Club, sa pangunguna ni NPC President Leonel Abasola. Ukol sa Fire Prevention Month, na dinaluhan nina Fire Sr. Supt. Annalee Atienza, Teddy Casino, senatoriable, at Rovin Feliciano ng TODA Partylist, nais matulungan ang sektor ng mga tricycle driver na hindi nabibigyan ng pansin. Crismon Heramis

MANILA, Philippines- Panahon na upang magkaroon ng representasyon ng mga mga tricycle driver sa bansa o ang tinawag na TODA na magtatanggol para sa kanilang mga karapatan, benipisyo at pribilehiyo.

Sa pamamagitan ni Rovin Feliciano na nominado ng TODA Partylist sa darating na May 12, 2025 national and local elections, sinabi sa Meet the Press forum ng National Press Club (NPC) , sa ngayon aniya ay wala pang batas na naipapasa para sa mga pribilehiyo at karapatan ng nasa sektor ng tricycle.

“Nagpapasalamat tayo, naipasa na sa third reading sa Kongrerso ang magna carta for trcycle drivers but until now ay nakabinbin pa rin sa Senado.”

Ayon kay Feliciano, noong ipinasa ay may probisyon sa nasabing magna carta na medyo nakukulangan ang sektor ng tatlong gulong lalo’t higit sa probisyon ng mga prohibisyon.

Sinabi rin ng TODA Partylist na ang nagiging problema ngayon ay kapag hindi sila nagbabayad ng witholding tax, sila ang nagbabayad ng indirect taxes.

Base sa tala ng Land Transporation Office (LTO), umabot na sa 1.5 milyon ang tricycle drivers sa buong bansa kaya naman pagkakataon na aniya na magkaroon ng kinatawan ang nasabing sektor sa Kamara.

“Kung nagbabayad tayo ng ganoong uri ng buwis–ang purpose ng taxation ng buwis ay kinokolekta at ibinabalik sa mga tao sa pamamagitan ng pampublikong serbisyo at benepisyo,” sabi ni Feliciano.

“Sabi ko nga hindi tayo manghihingi sa gobyerno– ang mga tricycle driver ang paniningil sa gobyerno ng karampatang benepisyo batay sa ibinabayad nilang buwis,” dagdag niya.

Ito aniya ang ipinupunto ng TODA Partylist kung saan nais nilang magkaroon ng social benefits tulad ng SSS at Pagibig dahil aniya hindi sila makapagretiro dahil kapag hindi sila pumasada ay wala silang kakainin sa araw-araw.

Samantala, dapat an rin umanong maalis ang political dynasty sa bansa lalo na sa mga nasa likod ng mga gumagamit ng mga programa ng gobyerno.

Sinabi ni Feliciano na ang partylist system sa buong bansa ay naaabuso.

Problema aniya, ang boses ng mga tunay na marginalized sector ay hirap na hirap na marinig ng kapwa marginalized sector dahil una ay kulang sa resources.

Dagdag pa ni Feliciano, gusto ng TODA Partylist na magkaroon ng legal team para malaman ang kanilang karapatan dahil maraming tricycle driver ang hindi alam ang kanilang mga karapatan at sila ay naaabuso.

Dahil sa pag-abuso sa party system at political dynasty, nawalan na umano ng pagkakaton ang mga tunay na sektor.

Binigyang-diin ni Feliciano na ito na ang pagkakataon na madinig ang boses ng nasa sektor ng mga tricycle driver sa pamamagitan ng TODA Parylist na siyang kakatawan sa Kongreso a magiging boses at tunay na may adbokasiya at programa para sa tatlong gulong.

“Ito na ang pagkakaton para madinig na ang mga boses nila, sabi ko hindi boses ko ang maririnig ng tao — ako’y taga pakinig sa mga TODA at ang boses nila ay isa sa boses ko batay sa aking masusing pagbabalangkas ng tama at mali.

HARMONIZED LOCAL POLICIES

Sakaling makakuha ng pwesto sa Kongreso, nais ng TODA Partylist na i-harmonize ang mga local policies.

Paliwanag ng TODA nominee, ang mga tricycle driver kasi aniya ngayon ay sa napapailalim sa local government ngunit ang problema aniya kada LGU ay iba-iba ang kanilang ordinansa kaya hindi nagha-harmonize.

“Kasi ako gusto ko iharmonized siya–hindi mo naman tatanggalin yung local autonomy ng government, nasa kanila pa rin pero may guidelines kung papaano gagawin.”

Unang -una aniya ay dapat magkaroon ng maayos na traffic and facts study, kung saan inaalam kung ilan ang bahay, populasyon at ilan dapat ang sasakyan na nagruruta sa isang lugar.

Pangalawa, kung ano ang modelo ng sasakyan na batay sa local context.

Sinabi ni Feliciano na bagama’t nasa ilalim ng lokal at dapat may harmonization at supervision.

SUPPLY AND DEMAND

Dapat din umanong pag-aralan ang supply and demand sa mga TODA o tatlong gulong at solusyunan dahil dumarami na rin ang mga tricycle na bumibiyahe sa mga kalsada.

Paliwanag ng TODA Parylist, bago mag-isyu ng bagong mga unit ay dapat pag-aralan muna kung ano lamang ang pangangailangan ng isang lugar para ma-cater ang mga taong nangangailangan ng pampublikong transportasyon o mga sasakyan.

Binigyan-diin ni Feliciano na may carrying capacity ang lugar kaya dapat ito ang isa sa dapat pag-aralan at solusyunan.

Sa huli, umapela si Feliciano sa mga botante na na iboto ang tunay na maglilingkod dahil nawala na aniya ang pagkakataon ng matalinong pagpapasya.

Sa Mayo 12, sinabi ni Feliciano na hindi porket inendorso ng matataas na pulitiko, personalidad o artista kundi kandidato o partylist na totoong kakatawan para sa tunay na adbokasiya para sa maliliit na mamamayan at mga sektor na walang boses. Jocelyn Tabangcura-Domenden