ANO kaya ang nangyayari sa ating mga pulis?
Habang iniuulat ng mga pulis na lumiliit ang bilang mga kasong pagnanakaw ng mga mamamayan dahil umano sa maganda nilang pagseserbisyo, halos magkakasunod naman ang mga ulat na sila mismo ang magnanakaw.
Halimbawa na lang ang pinakahuling grupo na ngayo’y pinaiimbestigahan at pinadisarmahan na ni PNP acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Lumitaw na ang walong pulis mula sa Eastern Police District ay nagsagawa ng operasyong kontra-droga sa Barangay Palatiw, Pasig City on December 26.
Walang malinaw na dokumento para sa ligal na operasyon ang mga pulis.
Ang pinakamasama, pumasok ang mga ito sa isang bahay para maghanap ng drug suspect pero nagtangay sila ng mga personal na gamit ng mga maybahay makaraan.
Mabuti na lang, umaksyon din ang Pasig Police na pinagsumbungan ng mga biktima at nakilala at nahuli ang mga dorobong pulis.
Magkasama ngayon ang National Capital Region Police Office at PNP Internal Affairs Service sa pagtugon sa mga reklamo ng mga mamamayan.
P13M DINEKWAT SA P141M
Nitong Oktubre, anim na pulis- Criminal Investigation and Detection Group ang dinakip makaraang dumekwat ng P13M mula sa P141M na unang sinamsam nila sa isang kompanyang pinaratangan nila na isang scam hub sa Bagac, Bataan.
Nauna rito, pinawalang-saysay ng korte ang isinampa nilang kaso at pinasauli ang nasamsam na salapi.
Nang magsauli sila, isa sa kanila ang nagsauli ng P13M ngunit pawang mga xerox copy lang ng mga salapi ang laman ng karton na pinaglagyan.
14 PULIS SA ROBBERY WITH RAPE
Isang buwan lang ang nakaraan, 14 na pulis mula Philippine Drug Enforcement Group ang inakusahan ng rape with robbery sa Bacoor City, Cavite.
Nag-raid ang mga taga-PDEG nang wala man lang koordinasyon sa mga Bacoor Police.
Anak ng tokwa, hindi nila nahuli ang gusto nilang hulihin at napagbalingan ng isang opisyal ng raiding team ang isang babae sa ni-raid nilang bahay saka ito nireyp.
Ninakaw naman ng iba ang ilang kagamitan at salapi ng mga biktima, kasama ang isang motorsiklo.
Inimbestigahan ng National Police Commission ang kaso at sinampahan ng mga kasong kriminal at administratibo ang mga pulis.
7 MANILA POLICE SA ROBBERY-EXTORTION
Nito namang Hunyo-Hulyo, 7 Manila Police sa Station 5 ang hinuli ng mga kapwa nila pulis makaraang mangikil ng P50,000 sa isang lalaking hinuli sa kunwari’y droga.
Unang hiningan ang suspek at asawa nito ng P50,000 kapalit ng paglaya ng una ngunit hanggang P20,000 lang ang naibigay ni misis, ngunit nagreklamo ito sa pulisya.
‘Yun na, pinasauli muna ang mga pulis nu’ng P20 mil saka sila hinuli.
Isang tenyente, tatlong staff sergeants at tatlong patrolman ang sangkot.
PARE-PAREHONG MAGNANAKAW
Habang nagaganap ang mga krimeng ito sa parte ng mga pulis, napakasakit mapakinggan ang mga sigaw ng mamamayan.
Anila, magnanakaw na nga ang mga opisyal mula sa mga kongresman, senador at taga-Malakanyang, pati mga pulis magnanakaw rin.
Magbago, magpakatino na nga kayo!






