Home NATIONWIDE Mga pulis mag-aaral ng Korean sa pagsugpo sa krimen sa mga dayuhan

Mga pulis mag-aaral ng Korean sa pagsugpo sa krimen sa mga dayuhan

117
0

MANILA, Philippines – Tuturuan na ng basic Korean language ang mga pulis na tatao sa mga tourist protection desks sa mga lungsod kung saan iniulat ang mga krimen laban sa South Korean nationals at iba pang turista.

Ang planong ito ay nabuo matapos na makipagpulong ang mga opisyal ng Pilipinas sa South Korean diplomats upang alamin ang mga pamamaraan para labanan ang krimen laban sa South Koreans at iba pang dayuhan sa bansa.

“Actually sabi nga nila, kapag nabuo na iyong tourist protection desk na iyan, we are willing to send iyong mga police na tatao diyan para matuto sila nung basic Korean language,” pahayag ni Undersecretary Gilbert Cruz, executive director ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

“So, willing po silang turuan iyong atin pong mga kapulisan and natuwa naman po kami, kasi itong pag-solve talaga ng krimen is hindi naman po talagang solely sa pulis iyan, kasama po dito iyong community,” pagpapatuloy niya.

“Magandang dynamics po iyong nakita natin, tulungan po ng community, especially sila, iyong mga banyaga na nandito at iyong atin pong law enforcement agencies,” ani Cruz.

Hindi na sinabi ng opisyal kung ilan ang mga krimen laban sa South Korean nationals na iniulat sa mga nakalipas na buwan, ngunit sinabing ito ay mga insidente ng pagnanakaw, pagpatay at fraud.

“Actually hindi naman po lahat ginawa ng mga Filipino. Iba po ang may gawa rin, mga kapatid din po nila, mga foreigners din,” aniya.

“Naipaliwanag naman po natin iyan sa embahada… Ang sinasabi lang po nila, dapat magkaroon talaga ng pulis doon sa lugar na iyon kasi kung may pulis doon sa lugar na iyon, hindi sana nangyari or na-prevent o nahuli sana nang maaga iyong suspect,” dagdag pa ni Cruz.

“Actually, iyong ibang naging problema naaksiyunan na natin eh kaya lang hindi lang talaga nairi-report nang maayos,” pagtatapos nito.

Muling magkakaroon ng pagpupulong ang opisyal ng Pilipinas at South Korea ngayong linggo para plantsahin ang plano sa law enforcement agencies partikular na sa Maynila at Angeles City kung saan mayroong mga malalaking Korean communities.

Samantala, sinabi rin ng PAOCC na nakatakdang makipagkita ang mga opisyal nito sa counterparts nila mula sa Estados Unidos at iba pang European groups para magpalitan ng mga kasanayan sa pagsugpo ng presensya ng illegal gambling operations. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here