MANILA, Philippines – Mahigit isang milyong pisong halaga ng hindi sertipikadong mga produkto ang nakumpiska ng Department of Trade and Industry (DTI) sa unang apat na buwan ng taon, sangkot ang libo-libong items na kinuha mula sa mga estante ng tindahan dahil sa bigong maabot ang mandatory safety standards.
Sa datos na inilabas ng Fair Trade and Enforcement Bureau ng DTI, nakita na nasamsam ngayong taon ang nasa 6,987 units ng electrical at electronic products na may kabuuang retail value na P1.06 million.
“In observance of National Electrical Safety Month this May, we urge the public and industry stakeholders to prioritize safety across the entire electrical and electronic goods,” saad sa pahayag ni Trade Secretary Ma. Cristine Roque.
“This includes responsible manufacturing, stringent quality control during importation and diligent retail practices to ensure paramount safety for every consumer purchase,” dagdag pa niya.
Ang pagkakakumpiska sa malaking bilang ng hindi sertipikadong produkto ay nagpapakita ng patuloy na problema sa consumer safety, partikular na sa electrical at electronic goods sector.
Inalis sa mga pamilihan ang mga produktong ito, katulad ng household items, dahil sa bigong maabot ang kinakailangang safety standards, at naglalagay sa peligro ng mga aksidente katulad ng electrical fires o pagkakuryente.
Noong 2024, nasa kabuuang 358,717 units ng uncertified at potentially hazardous products ang nasamsam. Nagkakahalaga ito ng mahigit P129.8 million.
Noong 2023 naman, nakumpiska ng DTI ang nasa 16,586 units na nagkakahalaga ng P3.56 million. RNT/JGC