MANILA, Philippines – Ibinasura ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang mga batikos tungkol sa P10-milyong reward para sa impormasyon na magreresulta sa pag-aresto kay businessman Charlie “Atong” Ang, sinasabing “unfair” ang alegasyong alam na ng awtoridad ang kinaroroonan ni Ang.
Aniya, ang reward ay personal na inaprubahan at pinondohan ng kanyang opisina, at hindi makikinabang kung palalampasin ang pagkakataong dakpin si Ang.
“Kung alam ko lang ’yun, it is to my interest na makuha siya kaagad. Ba’t ko pa gagawa ng drama ’yan?” sabi ni Remulla.
Sinabi rin niya na nagsagawa ng tatlong raid sa nakalipas na dalawang araw, ngunit walang nadakip, at patuloy pa rin ang search operations.
“So we are actively pursuing him kung saan (wherever he may be),” dagdag niya.
Kinilala ni Remulla ang kahirapan sa paghahanap ng isang fugitive na may malaking pera, ngunit iginiit niyang mas malaki ang kakayahan ng gobyerno kumpara sa isang indibidwal:
“Marami kasi siyang pera eh… pero ang pera niya hindi katumbas ang pera ng buong gobyerno.”
Si Ang ay itinuturing nang fugitive matapos ang paglabas ng maraming arrest warrants, kabilang ang pinakahuling warrant noong Enero 16 sa Lipa City, Batangas para sa kidnapping with homicide kaugnay ng mga nawawalang sabungero.
Humiling din ang PNP-CIDG ng Interpol red notice laban sa kanya.
Noong Disyembre 2025, nag-file ang DOJ ng maramihang kaso laban kay Ang.
Sinigurado rin ng Malacañang na hindi makakatanggap ng special treatment si Ang. RNT/MND