MANILA, Philippines – Hinarang ng mga pulis sa Recto Avenue ang mga militanteng grupong nagmartsa patungong Mendiola bilang protesta sa pagbisita ni US President Donald Trump at sa US-led Pax Silica initiative nitong Nobyembre 18.
Nagsimula ang martsa sa Liwasang Bonifacio at pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at Kilusang Mayo Uno (KMU), kasabay ng bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Trump sa Malacañang.
Tinutulan ng mga grupo ang umano’y presensiya ng dayuhang militar, panghihimasok ng Estados Unidos at posibleng epekto ng Pax Silica sa kapaligiran at mga komunidad.
Nahadlangan ang mga demonstrador sa Recto Avenue, malapit sa Loyola at San Sebastian Church, kung saan naglagay ang mga awtoridad ng mga container, concrete barrier at concertina barbed wire.
Nag-deploy ang National Capital Region Police Office at Manila Police District ng nasa 3,000 pulis upang mapanatili ang kaayusan. Isinara rin ang mga kalsadang patungo sa Ayala Bridge at Recto Avenue patungong Mendiola Peace Arch.
Bitbit ng mga raliyista ang mga placard na may nakasulat na “Reject Pax Silica,” “US Troops Out Now,” “Yankees Go Home,” at “Marcos Resign.”
Bahagi ito ng pagpapatuloy ng mga protesta simula Nobyembre 15, kasunod ng sunod-sunod na pag-aresto sa mga demonstrador sa kasagsagan ng 49th ASEAN Summit. Jocelyn Tabangcura-Domenden