Home METRO Mga raliyista pipigilang makapasok sa Mendiola; Recto Ave pansamantalang isinara

Mga raliyista pipigilang makapasok sa Mendiola; Recto Ave pansamantalang isinara

MANILA, Philippines- Magpapatupad ng pansamantalang road closures sa kahabaan ng Recto Avenue upang maiwasan na makapasok ang mga raliyista sa Mendiola ngayong Disyembre 10.

Naglagay ng barikada ang Manila Police District sa kahabaan ng pangunahing kalsada bilang bahagi ng kanilang security measures.

Kabilang sa mga raliyista ay mga miyembro ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), na magmamartsa para sa paggunita ng ika-76 anibersayo ng Universal Declaration ng Human Rights.

Binigyang-diin ng grupo na ang kanilang demonstrasyon ay isang mapayapang rally na naglalayong bigyang-diin ang kahalagahan ng karapatang pantao at itaas ang kamalayan tungkol sa mga patuloy na isyu sa karapatang pantao sa bansa.

Pinayuhan ang mga motorista na humanap ng mga alternatibong ruta para maiwasang maipit sa traffic jam, partikular sa mga lugar malapit sa Recto-Mendiola stretch.

Ang mga tauhan ng MPD ay nananatiling nakaposisyon sa kahabaan ng mga potensyal na entry point sa Mendiola, na may mas mataas na pagbabantay sa pagtiyak na ang protesta ay magtatapos nang mapayapa at hindi mauuwi sa karahasan. Jocelyn Tabangcura-Domenden