MANILA, Philippines- Ibinasura ng Sandiganbayan ang dalawang ill-gotten wealth cases ng yumaong tycoon na si Eduardo Cojuangco Jr., Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr., at dating First Lady Imelda Marcos.
Ang desisyon ng anti-graft court ay kasunod ng pagbawi ng gobyerno sa mga kaso bunsod ng patuloy na negosasyon para sa compromise agreement at dahil sa nakalipas na mga ruling ng Supreme Court.
Sa 34-pahinang desisyong ipinagkaloob ng anti-graft court ang motion to withdraw ng pamahalaan sa Civil Case No. 0033-A at Civil Case No. 0033-F.
Sa Civil Case No. 0033-A diumano ay nagsabwatan sina Cojuangco, dating Pangulong Marcos, Imelda Marcos, at iba pa para gamitin ang Philippine Coconut Authority (PCA) at Coconut Consumers Stabilization Fund (CCSF) upang manipulahin ang pagkakuha sa 72.2% ng First United Bank (ngayo’y United Coconut Planters Bank) para sa pansariling interes.
Sa Civil Case No. 0033-F, inaakusahan naman sina Cojuangco at mga associate nito sa maling pagamit ng coconut levy funds para bumili ng dalawang bloke ng San Miguel Corporation shares.
Iginiit ng gobyerno na ang dalawang kaso ay pinal na ibinasura na ng Supreme Court.
Itinuring ng Sandiganbayan ang mosyon ng gobyerno bilang withdrawal sa ilalim ng Section 2, Rule 17 ng Rules of Court.
Walang lumabas na pagtutol nang idaos ang pagdinig nitong Hulyo 2024 kung kaya tuluyang ibinasura ng Sandiganbayan ang mga kaso. Teresa Tavares