Home NATIONWIDE Mga reklamo vs mga Pinoy na naaresto sa Qatar binawi na

Mga reklamo vs mga Pinoy na naaresto sa Qatar binawi na

MANILA, Philippines – SINAbi ng Malakanyang na dinismis na ang kasong illegal assembly laban sa 17 Pinoy na inaresto sa Qatar matapos magsagawa ng demonstrasyon bilang pagdiriwang ng kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 28, 2025.

“Kanina ay nakipagpulong si Pangulong (Ferdinand) Marcos Jr. kay Qatari Ambassador to the Philippines Al-Homidi. Sinabi ng Qatari Ambassador na pinalaya na ang 17 na inaresto sa Qatar at dinismis [dismissed] na rin ang mga kaso laban sa kanila,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

“Ayon kay Ambassador Al-Homidi, ito raw ang reflection ng maganda at matatag na pagkakaibigan ng dalawang bansa. Ang pagpapalaya ay bunsod ng utos ng Pangulong Marcos na tulungang makalaya ang labimpito sa Department of Migrant Workers (DMW),” aniya pa rin.

Matatandaang, noong isang linggo lamang ay inanunsyo ni DMW Secretary Hans Leo J.Cacdac na pinagkalooban ng provisional release’ ang 17 overseas Filipino workers (OFWs) na naaresto sa Qatar matapos makilahok sa isang kilos-protesta bilang suporta kay dating Duterte noong Marso 28 kung saan ngayon ang ‘good news’ ng Malakanyang ay dinismis ang kaso laban sa mga ito.

“Yes, iyan po ang magandang balita natin. Nakikita po natin kung gaano po ba kabilis magtrabaho ang ating Pangulo, kaya parang ito po ay taliwas sa mga bintang ng iba na walang nangyayari sa ating bansa. Ito po ay talagang tinutukan po ng ating Pangulo para po mabigyan po ng tulong ang 17 na kababayan natin dito sa Qatar, at ito nga po ang naging resulta na na-dismiss na po ang kaso at mapalaya po sila,” ang sinabi ni Castro.

Aniya pa rin, choice ng 17 OFWs na ito kung magpapatuloy na magtrabaho sa Qatar o bumalik na lamang ng Pilipinas.

“Opo, sinabi naman po na sila po ay napalaya na at maaari po silang magtrabaho. Choice na po nila po kung ano po iyong gusto nila,” ang pahayag ni Castro. Kris Jose