Iniharap sa mga media ni DILG Sec. Jonvic Remulla ang Russian-American content creator na si Vitaly Zdorovetskiy na nambastos ng ilang Filipino at ginawa pa nitong content habang bumibisita sa bansa.Nilinaw ni Sec. Remulla na hindi basta ipapadeport ng pamahalaan ang vlogger na idineklara nang ‘undesirable alien’ at nasa ilalim ng ‘restrictive custody’ ng Bureau of Immigration.Patong-patong na kaso ang kakaharapin ng vlogger sa bansa. Habang nasa harap ng media ay patuloy ang ginagawa nitong pang-iinis at pang-aasar sa harap mismo ni DILG Sec. Remulla. VAL LEONARDO
MANILA, Philippines – Hindi ipadedeport ang Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy at mananatiling nasa pasilidad ng Bureau of Immigration (BI) upang harapin ang mga reklamong inihain laban sa kanya, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla nitong Lunes, Abril 7.
Ipinresenta ni Remulla si Zdorovetskiy sa media at nangako na walang magiging special treatment sa kontrobersyal na vlogger na umani ng batikos matapos na bastusin at harassin ang mga Filipino para sa kanyang content.
“Doon muna siya mananatili sa Bureau of Immigration detention facility sa Muntinlupa habang siya ay naghihintay ng paglitis sa kanya rito. Hindi po namin siya ide-deport. Mananagot siya sa batas dito sa Pilipinas,” ayon kay Remulla.
“Tapos na po ang mga dayuhan na kaya nalang lapastangan ang mga Pilipino. Ito’y ehemplo na seryoso tayo na sa sariling bayan natin, hindi tayo magpapabasa sa kanila,” dagdag pa niya.
Iginiit ni Remulla na kailangang harapin ni Zdorovetskiy ang lahat ng limang kasong inihain laban sa kanya na tinukoy niya bilang “undesirable alien” at “flight risk.”
“Papakita natin na ang mga tao katulad ni Vitaly ay kailangang pagbayatan ang ginagawa nila dito. Kaya sisiguraduhin ko na tatapusin natin ‘to, ililitis natin ‘to at hanggang walang verdict laban sa kanya ay hindi siya made-deport. Dito lang siya sa Pilipinas,” ayon pa kay Remulla.
Inaresto si Zdorovetskiy noong nakaraang linggo sa Pasay City matapos na mag-isyu ng Mission Order ang BI para sa Undesirability laban sa kanya. RNT/JGC