Home HOME BANNER STORY Mga sakit na nakukuha sa tag-ulan ibinabala ng eksperto

Mga sakit na nakukuha sa tag-ulan ibinabala ng eksperto

MANILA, Philippines – Sa pagsisimula ng tag-ulan, nagbabala ang isang eksperto sa kalusugan sa mga Pilipino laban sa mga water borne infections tulad ng dengue at leptospirosis.

“Iyong tubig-baha, kontaminado iyan doon sa ihi ng daga wherein you have the leptospirosis. Maliban diyan ay nandoon pa rin iyong dengue, kasi nga ang dengue wala namang pinipiling buwan iyan, year-round ang dengue nandoon talaga iyan,” aniPhilippine College of Physicians president Rontgene Solante sa isang interbyu.

Sinabi ni Solante, isang infectious disease expert, na ang mga kaso ng dengue ay kadalasang tumataas sa mga highly urbanized na lugar tulad ng Metro Manila, Central Luzon, at Cebu.

“Ito yung mga hotspots na sinusubaybayan natin every now and then, kahit summer tapos shift agad to rainy season. Ang palipat-lipat ng panahon, iyon ay kapag naaabala ang mga lamok, mabilis itong lumalabas at dumarami at mas nanganganib ang mga tao sa dengue,” dagdag pa niya.

Ang dengue ay sanhi ng virus na kumakalat sa mga tao ng lamok. Kasama sa mga sintomas nito ang mataas na lagnat (40°C), matinding pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan at kasukasuan, pagduduwal, pantal, pananakit sa likod ng mata, pagsusuka, at mga namamagang glandula.

Noong Lunes, iniulat ng Department of Health (DOH) na bumaba ang kaso ng dengue sa 5,211 noong Abril 7 hanggang 20 mula 5,380 noong Marso 24 hanggang Abril 6.

May kabuuang 59,267 dengue cases na may 164 na pagkamatay ang naitala mula Enero 1 hanggang Mayo 4 ngayong taon.

Binalaan din ni Solante ang lahat laban sa Chikungunya at Zika infection na dulot ng parehong lamok na nagkakalat ng Dengue.

Ang mga impeksyon sa respiratory tract tulad ng Covid-19, pneumonia, at trangkaso ay karaniwan din sa panahon ng tag-ulan.

“Mayroon tayong bago ngayon, iyong respiratory syncytial virus na puwede ring maka-cause ng severe pneumonia especially doon sa mga may edad,” dagdag pa niyang babala. RNT