Home NATIONWIDE Mga sangkot sa ‘ghost’ students sa SHS voucher program nais panagutin ni...

Mga sangkot sa ‘ghost’ students sa SHS voucher program nais panagutin ni Bam

MANILA, Philippines – Naalarma si dating senador Bam Aquino sa isyu ng mga umano’y ghost beneficiaries ng Senior High School (SHS) voucher program, kasabay ng pagsasabing dapat mapanagot ang mga nasa likod ng modus na ito.

“Nakakabahala talaga ang balitang ito ng ghost students. Pera po ito na dapat napupunta sa mga kabataang nangangailangan. Dapat matigil iyan,” sinabi ni Aquino, na tumatakbo bilang senador para sa paparating na eleksyon sa Mayo.

“Iyong mga nagnanakaw ng pera sa mga estudyante natin, dapat silang makulong,” dagdag niya.

Matatandaan na inalis na ng Department of Education ang 55 pribadong paaralan mula sa SHS Voucher Program ng pamahalaan dahil sa mga kwestyonableng claim, at mga hindi pagkakatugma sa kanilang billing information at learners information system (LIS).

Sa ilalim ng programa, ang mga incoming Grade 11 student na nagtapos ng elementarya sa pampublikong paaralan ay makatatanggap ng voucher na nagkakahalaga ng P14,000 hanggang P22,500 para makapag-aral ang mga ito sa pribadong paaralan.

Maaari ring mag-apply na makasama sa voucher program ang mga estudyante na galing naman sa pribadong paaralan.

Kumpiyansa naman si Aquino na agad reresolbahin ni Education Secretary, at dating kasamahan sa Senado na si Sonny Angara, ang problema sa ghost students.

Samantala, sinabi naman ni Aquino na kung papalarin siyang maging senador ay sisiguruhin niyang patataasan ang pondo para sa edukasyon at talagang makikinabang dito ang mga target na beneficiary.

“Iyong pera para sa ating kabataan, dapat napupunta sa taumbayan, at hindi binubulsa ng iilan,” aniya.

Si Aquino ang isa sa mga may-akda ng Free College Law.

“That P3 billion cut means there are 50,000 students who will receive a lesser amount of aid. Kaya napakahalaga po talaga, napaka importante po talaga na bumalik po tayo sa Senado at ipaglaban ang pondo ng bayan,” ayon pa kay Aquino.

“Kailangan po ang tulong na yan mapasainyo po ‘yan upang ang mga kabataan natin ay makapagtapos sa tamang oras at makahanap ng siguradong trabaho,” dagdag niya. RNT/JGC