MANILA, Philippiens – Tutunawin na lamang ang mga nasayang na balota na una nang naimprenta ng Commission on Electinos (Comelec).
Nitong Biyernes, sinabi ng Comelec na sinimulan na ang pag-transport sa mga na-print na balota na hindi na magagamit.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, tatlong paleta na ng balota na naimbentaryo na ang na-account o nabilang. Ang isang paleta ay tumitimbang ng isang tonelada.
Dadaan naman sa imbentaryo ang lahat ng balota na naimprenta, ito man ay good o rejected bago ito dalhin para tunawin kasama ang mga pinagtabasan.
Paliwanag ni Garcia, sa Sta. Rosa sa Laguna dadalhin ang mga naimprentang balota dahil maliit ang espasyo sa National Printing Office (NPO).
Sinabi ni Garcia na ang naunang plano na microshredding ay hindi na uubra sa lahat ng ididispatsa kaya direkta na itong tutunawin gamit ang isang kemikal.
Ayon pa kay Garcia, ang mga tutunawin na papel ay irerecycle naman para maging panibagong papel. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)