Aabot sa 923 Person Deprived of Liberty (PDL) ang boboto ngayong 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Election sa Bureau of Correction mula sa Maximum, Minimum at Medium Security Compound ng Bucor. Cesar Morales
MANILA, Philippines – Inihayag ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nitong Biyernes, Enero 17, na nag-aalok ito ng mga kursong pangnegosyo at entrepreneurship para sa mga persons deprived of liberty (PDLs) sa ilalim ng programang “Education Behind Bars.”
Ayon kay Chief Supt. Clint Russel A. Tangeres, pinuno ng BJMP-National Capital Region, layunin ng programa na tulungan ang mga PDL na makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng mga kasanayang magagamit sa kanilang pagbabalik sa lipunan.
Nagsimula ang inisyatibo sa Quezon City Jail Female Dormitory, kung saan 19 na PDL ang nakapagtapos na. Sa kasalukuyan, 50 PDL sa Quezon City Jail Male Dormitory ang naka-enroll sa mga kursong business management at entrepreneurship.
Ang mga propesor mula sa Quezon City University, Polytechnic University of the Philippines, at Rizal Technological University ang nagtuturo sa mga PDL, habang ang mga kawani ng BJMP ang tumutulong sa pangangasiwa sa klase at pagsuporta sa mga takdang-aralin.
Binigyang-diin ni Tangeres na ang edukasyon ay isang makapangyarihang kasangkapan para sa personal na pagbabago at pagbibigay ng bagong direksyon sa buhay ng mga PDL. Gayunpaman, inamin niya na mahirap para sa kanila ang makahanap ng trabaho dahil sa diskriminasyon laban sa may mga kriminal na rekord.
Bilang solusyon, nag-aalok ang BJMP ng Bachelor of Science in Entrepreneurship scholarships upang mabigyan ng kasanayan ang mga PDL na magtayo ng sariling negosyo. Naniniwala si Tangeres na sa ganitong paraan, magiging mas independent ang mga dating PDL at maiiwasan ang stigma ng tradisyunal na proseso ng pag-aaplay sa trabaho.
Umaasa si Tangeres na sa pamamagitan ng programang ito, magpapakita ng malasakit ang mga employer sa mga dating PDL at bibigyan sila ng patas na pagkakataon para makapagsimula ng maayos na buhay. Santi Celario