Home METRO Bangka nawawala, 7 sakay pinaghahanap

Bangka nawawala, 7 sakay pinaghahanap

TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Naghahanda ang Philippine Air Force-Tactical Operations Group 2 (PAF-TOG 2) ng aerial search and rescue mission para hanapin ang nawawalang bangka na may sakay na pitong tao, patungong Barangay Dilam, Calayan Island.

Ayon kay Col. Glen Piquero ng PAF-TOG 2, hinihintay nila ang clearance upang simulan ang operasyon. Maaring isagawa ang paghahanda sa Laoag City dahil sa masamang lagay ng panahon sa Isabela.

Sasaklawin ng rescue operation ang mga baybayin ng Dalupiri at Fuga Islands, pati na rin ang Pagudpud, Bangui, Pasuquin, at Bacarra.

Sinabi ni Mayor Joseph Llopis ng Calayan na posibleng dumaan ang bangka malapit sa kanilang lugar nang hindi napansin dahil madilim pa noong umalis ito.

Ang bangka, na kinilalang MB Ren-Zen 2, ay umalis sa Claveria, Cagayan, alas-4:30 ng umaga noong Miyerkules, Enero 15, sakay ang limang tripulante at dalawang pasahero. RNT