Home OPINION MGA SIBAK NA ISKALAWAG,’DI MAKABABALIK – PNP CHIEF

MGA SIBAK NA ISKALAWAG,’DI MAKABABALIK – PNP CHIEF

ILANG beses nalagay sa kahihiyan ang Philippine National Police dahil sa pagkakasangkot ng ilang miyembro nito sa krimen tulad ng kidnapping, carnapping at illegal drugs dahilan upang bumaba ang moralidad ng nakararaming mabubuti at nagtratrabahong pulis.

Kaya naman kailangang bumawi sa mga ito ni PNP chief P/Gen Rommel Francisco Marbil dahilan kaya naisipan nito na magbigay ng mga parangal at papuri sa mga pulis na kamakailan lang ay nakahuli at nakalutas ng mga kaso at krimen na naganap sa Metro Manila.

Inuna ni Marbil ang National Capital Region Police Office na binigyan ng awards at medals ang mga pulis tulad mismo ng hepe ng Metro Manila Police na si P/MGen Jose Melencio Nartatez Jr. at mga opisyal at tauhan nito.

Kabilang sa mga nalutas na kaso ng mga opisyal ng NCRPO ang pagpaslang sa isang babaeng empleyado at kanyang dalawang pamangkin ng mismong kinakasama ng una, pagpaslang sa isang indibidwal na nakatalo sa trapiko sa Edsa, Makati ng isang Chinese na aaresto naman sa Pasay City, pagpaslang sa isang chairman ng barangay sa Muntinlupa City na ang suspek ay naaresto ng Makati City Police at pagkakaresto sa isang Canadian na sangkot sa pagkalat ng iligal na droga.

Para kay Marbil, marami pang mahuhusay at mabubuting pulis kung kaya’t hindi kailangan ang mga pulis na nasibak at sisibakin pa (kapag napatunayang nagkasala sa kasong administratibo) dahil sa mga krimeng kanilang kinasangkutan.

Ani Marbil, ang trabaho ng pulis ay magserbisyo at protektahan ang mamamayang Pilipino at hindi ang gawan ng katarantaduhan ang mga ito o kaya naman ay isahan.

Marami ang nagnanais na maging pulis, marami ang aplikante para rito kaya hindi panghihinayangan ng PNP ang mga iskalawag na maganda na ang pwesto o trabaho ay nakaiisip pa na gumawa ng ikasisira ng imahe ng PNP.

Kaya naman nanindigan si Marbil na hindi na makababalik pa sa organisasyon ang mga tiwali at iskalawag na pulis na nasibak dahil sa kanilang pagkakasangkot iba’t ibang pangyayari na nakasira at naglagay ng batik sa PNP na ang mantra ay “To Serve and Protect”.

Aba dapat lang. Kahit na napakarami ng pulis na nasibak sa NCRPO pa lang na umaabot na sa mahigit 500 ay itinuturing ng PNP lalo na nina Marbil at Nartatez na hindi kawalan ang mga police scalawags.