MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang matagumpay na pag-aresto sa dalawang suspek sa brutal na pagpatay sa dalawang babae sa Palauig, Zambales, sa isinagawang hot pursuit operation na natapos sa Caloocan City.
Ang mga suspek, na kinilalang si alyas “Jinky,” 30, babae, walang trabaho, at alyas “Benedict,” 34, lalaki, mekaniko—kapwa residente ng Masinloc, Zambales—ay naaresto bandang 11:30 ng umaga nitong Sabado, Agosto 16, 2025, sa loob ng isang hotel sa Bagong Barrio, Caloocan City.
Ang pag-aresto sa kanila ay isinagawa ng magkasanib na elemento ng Zambales Police Provincial Office (ZPPO) Provincial Drug Enforcement Unit, Caloocan City Police Station, PIT-Zambales, mga operatiba mula sa PRO3 at PNP Intelligence Group.
Nag-ugat ang operasyon sa double murder incident na naganap noong Agosto 14, 2025, sa Purok 5, Brgy. Salaza, Palauig, Zambales.
Nabatid sa mga salaysay ng mga saksi na dakong alas-3:00 ng madaling araw nang marinig ang isang humaharurot na sasakyan sa lugar na sinundan ng putok ng baril.








