Pinangunahan ni Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang pagpapatuloy ng public hearing ng Committee on Justice and Human Rights ngayong Martes, Marso 4, 2025. Hindi pa rin matukoy hanggang sa ngayon ng Bureau of Immigration kung paano nakatakas ng bansa si Guo Hua Ping o alyas Alice Guo at mga kasabwat nito. Cesar Morales
MANILA, Philippines- Inihayag ng pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) na walang ebidensya na sangkot ang mga tauhan ng nasabing ahensya sa illegal exit ni Guo.
Ito ang pahayag ni BI Commissioner Joel Anthony Viado, matapos ipagpatuloy ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang imbestigasyon sa nakaraang pagtakas ni Guo.
Sa nasabing pagdinig, kinumpirma ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na ang isa sa mga naging paraan ng paglabas ni Guo ay sa pamamagitan ng backdoor sa pinakatimog na bahagi ng bansa.
Sinabi ni Viado na habang ang mga pribadong baybayin at airstrips ay hindi namamanmanan ng BI at nasa ilalim ng monitoring ng kanilang local government units (LGUs) at local law enforcement agencies (LEAs), labis na nababahala ang BI dahil malaki ang posibilidad na maabuso ng nga pasaway ang hangganan ng bansa.
Bukod sa mga wanted na personalidad, dati ring iniulat ng BI ang backdoor exits ng mga biktima ng trafficking, na nauwi sa tortyur na nagtatrabaho sa mga scam hub sa ibang bansa.
Kaugnay nito, pinasalamatan ni Viado ang Inter-agency Council Against Trafficking (IACAT) sa pagsisikap na pigilan ang mga ilegal na backdoor exit.
“The misuse of backdoor exits has reportedly been a tactic to evade proper inspection by authorities,” ani Viado. “We commend IACAT for uniting member agencies to effectively address this national security concern,” dagdag pa ng opisyal. JR Reyes