Home NATIONWIDE DA: Rice MSRP posibleng bumaba sa P45/kilo sa pagtatapos ng Marso

DA: Rice MSRP posibleng bumaba sa P45/kilo sa pagtatapos ng Marso

MANILA, Philippines- Maaaring bumaba ang maximum suggested retail price (MSRP) para sa bigas bunsod ng patuloy na pagbaba ng global rice prices at paglakas ng piso.

“Ang plano namin kung tuluy-tuloy ang trend na ito, by March 31, baka ibaba namin sa P45 ang kilo ng imported rice, 5 percent broken,” ang sinabi ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Ang pahayag na ito ng Kalihim ay dahil sa paglakas ng piso laban sa dolyar sa P57 level, mas malakas kaysa sa P59-level.

“The price of 5 percent broken rice from India was set at USD425.4 per metric ton (MT); USD416 per MT of Vietnam rice; and USD458.7 per MT of 25 percent broken Thailand rice as of January,” ayon sa Food and Agriculture Organization ng United Nations.

Sa kabilang dako, ang kasalukuyang MSRP para sa 5% broken imported rice ay itinakda sa P49/kg. noong Marso 1, ika-apat na pagbawas simula nang unang ikasa ang MSRP sa halagang P58/kg. noong Jan. 20.

Bago pa ang implementasyon ng MSRP, ang retail price para sa 5% broken imported rice ay P62/kg. hanggang P64/kg.

Sinabi pa ni Tiu Laurel na ang MSRP ay mabisa sa sa pag-impluwensya sa market prices.

“From vegetables to rice, bumababa na rin ang presyo, iyong MSRP natin is really working,” ayon kay Tiu Laurel.

Hanggang nitong Lunes, nanaig ang presyo ng premium imported rice sa Metro Manila sa halagang P52/kg., umaabot sa halagang mula P48/kg. hanggang P55/kg.; P44/kg. hanggang P47/kg. para sa imported well-milled; at P36/kg. hanggang P46/kg. para sa imported regular milled.

Ang presyo ng local premium rice, ay umaabot naman sa halagang mula P45/kg. hanggang P62/kg.; P42/kg. hanggang P52/kg. para sa local well-milled; at P38/kg. hanggang P45/kg. para sa local regular milled.

Samantala, binuweltahan naman ng Kalihim ang pag-iingay ng mga kritiko ng gobyerno na tugunan ang food inflation.

“Iyong dalawang analysts, I think what they said is very unfair. Iba iyong panahon ng past administration, iba iyong panahon ngayon. Sa totoo lang, iyong mga nangyayari ngayon for me kasalanan ng previous administration,” anito.

Maliban sa pagbaba ng presyo ng gulay at bigas, tinuran ni Tiu Laurel na ang retail price ng isda ay bababa rin sa loob ng buwan.

“Fishing season is umpisa na. So, hopefully, marami ang huli ng fishermen from all over the Philippines, small, medium, and large,” pahayag niya.

“Hopefully, by mid to end of March, mas malaki ang ibaba ng presyo ng isda,” dagdag ng opisyal. Kris Jose