Home HOME BANNER STORY Michael Poa, aminadong posibleng managot kung mapatunayan misuse ng confidential funds

Michael Poa, aminadong posibleng managot kung mapatunayan misuse ng confidential funds

3
0

MANILA, Philippines – Aminado si Michael Poa, dating chief of staff, undersecretary for finance at spokesperson ni Vice President Sara Duterte sa Department of Education (DepEd), na maaari siyang managot kung mapatunayang ginamit sa maling paraan ang milyon-milyong pisong confidential funds.

Gayunman, iginiit ni Poa na wala siyang personal na kaalaman kung paano ginastos ang pondo. Kasalukuyan siyang bahagi ng legal defense team ni Duterte ngunit tumestigo bilang hostile prosecution witness sa ika-21 araw ng impeachment trial.

Tinanong siya ni Senator-judge Risa Hontiveros kung maaaring managot ang mga tauhan ng Office of the Vice President (OVP) at DepEd kung mapatunayang may pananagutan si Duterte.

“It’s possible. Just being objective, Your Honor,” sagot ni Poa.

Nang tanungin kung maaari rin siyang managot, sinabi niya: “It’s possible. I hope not, but possible.”

Ayon kay Poa, wala siyang operational role sa paghawak ng confidential funds. Nagsimula lamang ang kaniyang paglahok nang matanggap niya ang Commission on Audit (COA) audit observation memorandum (AOM) na kumukuwestiyon sa P112.5 milyon na confidential expenditures ng DepEd.

Lumapit siya kay dating DepEd Undersecretary for Administration Nolasco Mempin upang humingi ng mga accomplishment report at iba pang patunay ng mga aktibidad na umano’y pinondohan ng rewards.

Kalaunan, nakakuha si Mempin ng certifications mula sa mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kabilang sina Col. Manaros Boransing II at Col. Magtanggol Panopio.

Ngunit sinabi ng dalawang opisyal sa impeachment court na hindi nila alam na gagamitin ang kanilang certifications bilang suporta sa liquidation ng confidential funds. Ang mga dokumento ay para lamang sa attendance sa walong Youth Leadership Summits at 53 Information Education Campaign activities. Iginiit din nilang walang confidential funds na ibinigay sa AFP para sa mga programang ito.

“Unfortunately, all that really came to me was this certification. So, that’s all I attached to our response to COA,” sabi ni Poa.

Binawi rin ni Poa ang una niyang paliwanag sa Kamara na ang mga aktibidad na sinuportahan ng confidential funds ay nakabatay sa impormasyong ibinigay ng mga informant. Aniya, ang naturang paliwanag ay kaniyang “impression” at “theory” lamang.

Tinanong ni Senate President Sherwin Gatchalian kung paano mapatutunayang ang tagumpay ng operasyon ay nagmula sa impormasyong binili gamit ang confidential funds.

Sinabi naman ni Poa na hindi lahat ng impormasyong binibili mula sa informants ay agad nagreresulta sa matagumpay na operasyon.

“Not all information purchased will necessarily result [in] immediate success,” aniya.

Kinuwestiyon din ni Senator-judge Joel Villanueva ang paggamit ng AFP certifications upang suportahan ang P15.54 milyong confidential fund expenditures ng DepEd.

Nagkaroon ng mainitang palitan matapos tawagin ng private prosecutor na si Benjamin Tolosa Jr. si Poa na “ang abogadong walang alam,” dahil siya ang inatasang sumagot sa COA kahit paulit-ulit niyang sinabing wala siyang alam sa paggamit ng pondo.

Tumutol ang defense lead counsel na si Sheila Sison, dahil aniya may karapatan si Poa na maprotektahan laban sa hindi kaugnay at mapanlait na mga tanong.

Humingi ng paumanhin si Tolosa at ipinaliwanag na ang tinutukoy lamang niya ay ang paulit-ulit na pahayag ni Poa na wala siyang alam sa confidential funds.

Iniutos ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na alisin sa record ang naturang salita dahil ito ay hindi magalang.

Sinabi rin ni Poa na unang beses niyang nakita ang mga kakaibang pangalan sa acknowledgment receipts nang ipakita ang mga ito sa congressional hearings noong 2024, kabilang ang kontrobersiyal na pangalang “Mary Grace Piattos.”

Ayon sa kaniya, wala siyang naaalalang nakitang pekeng pangalan habang nasa DepEd pa siya.

Nang humingi siya ng mga dokumentong magpapatunay sa payments para sa COA audit, binigyan siya ni dating special disbursing officer Edward Fajarda ng isang selyadong sobre. Nang hilingin niyang makita ang kahit isang sample, binuksan ang sobre at ipinakita sa kaniya ang isang acknowledgment receipt.

Inihanda ni Poa ang tugon ng DepEd sa COA AOM para sa confidential expenditures noong unang tatlong quarter ng 2023. Isinumite niya ang tugon para sa unang dalawang quarter noong Pebrero 2024 at para sa ikatlong quarter noong Abril.

Sinabi rin niyang unang nalaman sa congressional hearings noong 2024 na umano’y nailipat ang confidential funds kay Col. Dennis Nolasco, dating deputy chief ng Vice Presidential Security and Protection Group.

Dati niyang sinabi na sina Duterte at Fajarda lamang ang may alam sa paggamit ng pondo. Ngunit ayon kay Fajarda, iniabot niya ang pera kay Nolasco.

Paliwanag ni Poa, noon lamang niya nalaman ang pagkakasangkot ni Nolasco, na isa palang security officer, at ang paglipat ng pondo sa kaniya. Dahil dito, hindi niya umano alam ang papel ni Nolasco nang ihanda niya ang tugon sa COA.

Samantala, pinag-aaralan ng House prosecution panel kung aalisin ang bribery article laban kay Duterte.

Ayon kay public prosecutor Joel Chua, maaaring dumiretso ang panel sa unexplained wealth article matapos ang presentasyon nito sa alegasyong maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds.

“We are considering dropping one article,” sabi ni Chua, ngunit nilinaw niyang wala pang pinal na desisyon.

Layunin umano nitong paikliin ang paglilitis. Inaasahang matatapos ng prosecution ang presentasyon nito sa unang linggo o kalagitnaan ng Oktubre, habang matatapos naman ang depensa sa Nobyembre. Posibleng makapaglabas ng desisyon ang impeachment court pagsapit ng Disyembre. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here