MANILA, Philippines – Bilang isang bansang tropikal na kapuluan, ang Pilipinas ay inaasahang patuloy na makararanas ng malubhang epekto ng pagbabago ng klima na may mas malalakas at mas madalas na mga bagyo, mabilis na pagtaas ng lebel ng dagat, at mas matitinding pag-ulan na nagdudulot ng malalaking panganib sa mga negosyo, komunidad, imprastraktura at ecosystem.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, kapag hindi natugunan ang isyu ng climate change, malaki aniya ang magiging epekto nito sa supply ng pagkain, sa pananim, mataas na presyo ng bilihin, mataas na inflation rate, mataas na public debt at pati mga banta sa kalusugan katulad ng leptospirosis at dengue cases.
Kaya naman aniya tuluy-tuloy ang paghahanda ng bansa na harapin ang mas mainit na klima at tugunan ang mga epekto nito.
Kasabay nito, isinasagawa rin aniya ang mga hakbang upang pigilan ang mabilis na pagtaas at kalaunan ay bawasan ang greenhouse gas emissions ng bansa.
Sa pamamagitan aniya ng estratehiya nito sa mabilis na pagbabago ng klima, layunin din ng pamahalaan na ilatag ang pundasyon ng isang matatag at inklusibong ekonomiya na mapakikinabangan ng kasalukuyan at hinaharap na mga henerasyon.
“Kaya ang utos ng Pangulo, ipatupad ang mga polisiya para sa pagtugon sa climate change. Lahat ng ahensya sa pangunguna ng Climate Change Commission at DENR ay magsasagawa ng masinsinang pagtugon sa kanilang obligasyon para sa mas mabilis na aksyon laban sa climate change,” ayon kay Castro.
Sa kabilang dako, katuwang din pamahalaan ang Vice Mayor’s League of the Philippines, sa pangunguna ng kanilang national president, Vice Mayor Meynard Francis Bumanglag ng Pinili, Ilocos Norte.
“Magkaisa tayong labanan ang epekto ng climate change. Kung hindi ngayon, kailan pa? Huwag tayong magpahuli,” aniya pa rin.
At bilang bahagi aniya sa patuloy na pagsisikap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kilalanin ang karanasan, kakayahan at propesyonal na pag-unlad ng mga nasa sektor ng edukasyon, ipinag-utos ng Pangulo sa DBM, sa pangunguna ni Acting Secretary Kim Robert De Leon, ang paglalabas ng karagdagang 8.68 bilyong piso para sa Department of Education at sa patuloy na implementasyon ng Expanded Career Progression o ECP System ng ahensya.
Ani Castro, sa datos ng pamahalaan, tinatayang mahigit sa 93,344 public school personnel sa buong bansa.
Saklaw din aniya ng pondo ang implementation requirements para sa fiscal year 2025 at fiscal year 2026 para sa mga nabigyan ng Notices of Organization, Staffing, And Compensation Action o NOSCA at appointments.
Ani Castro, sa ilalim ng kautusan ng DBM, ipo-proseso ng kanilang regional offices ang pondo upang mabilis itong maipamahagi sa mga DepEd regional offices.
Layunin aniya ng ECP na bigyan ang mga guro ng career advancement at mas mataas na sahod nang hindi kailangang umalis sa classroom. Samantala, para sa fiscal year 2027, iminungkahi ang 12.9 billion pesospara sa ECP, ito ay 5.94 billion pesos o 96.6%na mas mataas kaysa sa fiscal year 2026 funding.
Samantala, ang hakbang aniya na ito ng Pangulo para sa sektor ng edukasyon ay patunay lamang sa seryosong hangarin ng Pangulo sa pagyabong ng kaalaman ng mga batang Pilipino. (KRIS JOSE)