San Fernando, Pampanga – Arestado ang isang miyembro ng gun-for-hire group na inuugnay sa pagpatay sa dalawang kilalang online sellers mula Pampanga noong Oktubre sa Barangay Mangga, San Isidro, Nueva Ecija noong Sabado ng umaga, Nob. 30.
Kinilala ni Police Regional Office-3 Director Police Brig. Gen. Redrico Maranan ang suspek na si Almario Miranda, 64 anyos.
Sinabi ni Maranan na si Miranda ang umano’y middleman sa pagpatay kina Arvin at Lerma Lulu sa Mexico, Pampanga noong Biyernes, Oktubre 4.
Narekober mula sa suspek ang isang 9mm caliber pistol na may magazine na naglalaman ng limang bala.
Si Magno ay dinakip sa kanyang bahay ng San Isidro Municipal Police Station sa pakikipag-ugnayan sa 1st Provincial Mobile Force Company.
Nahuli ang suspek sa pamamagitan ng search warrant na may petsang Nob. 28 dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na inisyu ni Judge Quijano S. Laure, Executive Judge ng Gapan City, Nueva Ecija Regional Trial Court.
Sinabi ni Maranan na ang pagdakip sa suspek ay isang hakbang tungo sa hustisya para sa mga biktima. RNT