Home METRO MILF commander todas sa pamamaril

MILF commander todas sa pamamaril

COTABATO CITY- Duguang bumulagta ang isang commander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan paglabas mismo nito sa isang hotel noong Miyerkules ng hapon sa lungsod na ito.

Dead-on-the-spot ang biktima na kinilalang si MILF commander Abdulrahman Kasid at municipal councilor sa Mamasapano, Maguindanao del Sur.

Sa inisyal na report ng Cotabato City Police Office at Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, dumalo ang biktima sa aktibidad ng ministry ng Bangsamoro government na ginanap sa function facility ng Em Manor Hotel sa nabanggit na lungsod.

Paglabas ng biktima ng hotel, agad itong pinagbabaril ng gunman na kabilang sa ilang armadong kalalakihan sakay ng pick-up truck.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.

Nagpapatuloy ang ginagawang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad para sa pagkakakilanlan sa mga suspek at motibo sa krimen.

Inaalam na ng mga awtoridad kung may kinalaman sa politika at naganap na engkwentro kamakailan na kinasasangkutan ng ilang grupo ng MILF. Mary Anne Sapico