Home METRO Mga magsasaka, mangingisda na sapul ng El Niño sa Tawi-Tawi inasistihan

Mga magsasaka, mangingisda na sapul ng El Niño sa Tawi-Tawi inasistihan

MANILA, Philippines- Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. nitong Huwebes ang pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka, mangingisda, at mga pamilyang apektado ng El Niño phenomenon sa lalawigan ng Tawi-Tawi.

”Ang pakay ko po sa pag-iikot ko sa iba’t ibang bayan at lalawigan sa bansa ay: Una, upang personal kong makita kung ang tulong ng gobyerno ay natatanggap ng mga tao at kung ito ba ay nakatutulong sa mga pangangailangan ng mga nahihirapan dahil sa tagtuyot,” pahayag ni Marcos sa pamamahagi ng tulong sa Bongao.

”Pangalawa, andito rin po ako upang makausap kayo, nang maunawaan natin ang inyong sitwasyon, at makahanap tayo nang nararapat na solusyon sa inyong mga hinaharap na suliranin,” dagdag niya.

Nangako si Marcos na sinisikap ng administrasyong maibsan ang epekto ng El Niño phenomenon sa mga magsasaka at mangingisda.

Namahagi ang Pangulo ng cash assistance sa 10 piling benepisyaryo sa lalawigan, maging tig-P10 milyon sa provincial governments ng Tawi-Tawi at Basilan.

Samantala, nagpaabot ang Department of Social Welfare and Development ng tig-P10,000 sa 10,000 benepisyaryong binubuo ng mga magsasaka at mangingisda, at mga pamilya, habang nagbigay ang opisina ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng tig-limang kilo ng bigas sa mga dumalo. RNT/SA