MANILA, Philippines – Aabot sa kabuuang 272 yunit ng pabahay ang ipinagkaloob ng National Housing Authority (NHA) sa tatlong magkakahiwalay na seremonya na isinagawa kamakailan, na nakinabang ang mga pamilyang naapektuhan ng mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan at mga katutubong pangkat.
Sa pangangasiwa ni NHA General Manager Joeben A. Tai, pinangunahan ni Assistant General Manager Alvin S. Feliciano, kasama sina NHA Region III Manager Ar. Ma. Fatima dela Cruz at NHA Pampanga/Bataan/Zambales District Officer-in-Charge Atty. John Michael A. Bernardo, ang unang aktibidad sa Brgy. Panipuan, Mexico, Pampanga.
Batay sa profile ng proyekto, 72 project-affected persons (PAPs) ang nakatanggap ng yunit sa ilalim ng San Fernando View Residences Phase 1. Tampok sa proyekto ang isang apat-na-palapag na low-rise building na dinisenyo upang maging tahanan ng 288 na pamilya. Ito ay bahagi ng programang pabahay na ipinatupad para sa North-South Commuter Railway Extension (NSCR Ext), partikular sa PNR N2 Project.
Sa kaparehong aktibidad, ipinagkaloob rin ng NHA Region XI Office ang tig-100 yunit ng pabahay para sa dalawang (2) proyekto sa ilalim ng Housing Assistance Program for Indigenous Peoples (HAPIP) ng ahensya. Ang una ay ang Balai Mandaya-Mansaka na matatagpuan sa Brgy. Pagsabangan, New Bataan at ang Balai Na Linagsanan Tu Tribu Dibabawon sa Brgy. Awao, Monkayo, parehong nasa Davao de Oro. Ang bawat proyekto ay nagkakahalaga ng Php 20M na pondo.
Kaugnay nito bilang kinatawan ni GM Tai, pinangunahan nina NHA XI Officer-in-Charge Engr. Shariffuddin I. Nami at Davao Oriental/Compostela Valley District Manager Gerold P. Namoc ang seremonya. Kabilang Mandaya-Mansaka, Manobo, Dibabawon, and Mangguangan Tribes sa mga naging benepisyaryo ng nasabing programang pabahay Dumalo rin sa mga aktibidad ang Pamahalaang Panlalawigan ng Davao de Oro.
Sa pamumuno ni GM Tai, aktibong sinusuportahan ng NHA ang Bagong Pilipinas inisyatibo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa pamamagitan ng pagpapabilis ng paghahatid de-kalidad na pabahay para sa mga mahihirap at bulnerableng pamilyang Pilipino.
Ang NHA ay isang attached agency ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD). (Santi Celario)