MANILA, Philippines – Higit sa isang milyong pirma na humihiling sa agarang pagpasa ng Universal Social Pension Bill para sa lahat ng seniors ang pormal nang isinumite sa Kamara.
Ang seremonya para sa partial turnover ng “Milyong Lagda Para sa Matatanda: Universal Social Pension, Ngayon Na,” ay pinangunahan ni House Committee on Senior Citizens Chair at United Senior Citizens Party-list Rep. Milagros Aquino-Magsaysay.
“We are all part of history in the making,” pahayag ni Aquino-Magsaysay sa kanyang talumpati, kung saan inilarawan niya ang kampanya bilang isang malawakang kilusan ng mga senior citizen para sa matagal nang inaasam na universal pension.
Sa kasalukuyan, ang Social Pension for Indigent Senior Citizens (SPISC) ay nagbibigay lamang ng ₱1,000 buwanang ayuda para sa mga mahihirap, mahihina, o may kapansanang Pilipino na edad 60 pataas na walang kita, pensyon, o suporta mula sa pamilya subalit sa ilalim ng panukala, ang pension ay para sa lahat na basta tumuntong ng edad na 60 anyos.
Ayon kay Aquino-Magsaysay, ang signature campaign na sinimulan noong Marso 18, 2026.
“Our Ceremonial Partial-Turnover today of the more than one million signatures in support of the bill reverberates the strong clamor of the more than 12 million senior citizens all over the country asking for our government to give preferential attention for the promotion of their welfare and rights,” ani Aquino-Magsaysay.
Idinagdag ng mambabatas na noon pang 17th Congress niya ipinaglalaban ang naturang panukala. Giit niya, ang hinihiling na pensyon ay hindi isang pribilehiyo kundi pagkilala sa karapatan ng mga nakatatandang Pilipino.
“With the emergence of various economic crises and challenges that befall our elderly, now more than ever the Universal Social Pension becomes an existential and moral imperative,” ani Magsaysay.
Tiniyak ng mambabatas na magpapatuloy ang signature drive sa buong bansa hanggang sa tuluyang maging batas ang panukala.
Kasabay nito, nirepaso rin ng House Committee on Senior Citizens ang iba pang mga panukalang batas na naglalayong patatagin ang kapakanan, proteksyon, at social support systems para sa mga matatanda sa pamamagitan ng pinalawak na benepisyo, tulong-medikal, at mas mahigpit na legal safeguards.
“The laws we craft today will help shape a future where senior citizens are not marginalized or forgotten. We must give birth to a future generation where our Filipino ‘lolos and lolas’ are respected, protected, and empowered,” pagtatapos ni Aquino-Magsaysay. Gail Mendoza