Home NATIONWIDE Mindanao railways pinapopondohan ni Go sa DOTr: ‘Dapat pantay infra investments’

Mindanao railways pinapopondohan ni Go sa DOTr: ‘Dapat pantay infra investments’

1
0

MANILA, Philippines – Hinimok ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go ang Department of Transportation (DOTr) na magbigay ng malinaw na timeline at direksyon para sa matagal nang naantalang Mindanao Railway Project, at iginiit na nararapat lamang na magkaroon ang Mindanao ng kaparehong tuloy-tuloy na pamumuhunan sa mass transit at connectivity na isinusulong sa ibang rehiyon.

Nagpahayag ng pagkabahala si Go sa kawalan ng pondo para sa Mindanao Railway sa ilalim ng panukalang P300.96 bilyong 2027 budget ng DOTr, at sinabing dapat patas ang distribusyon ng mga proyektong pang-imprastraktura sa buong bansa para direktang makinabang ang mga lokal na komunidad at mapasigla ang regional economic development.

“Mindanao deserves the same sustained investment in mass transportation and connectivity that we are pursuing in other parts of our country,” ani Go sa pagdinig ng Finance Subcommittee A nitong Biyernes, Setyembre 18, 2026.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang pabilisin ang mga regional transport initiatives kabilang ang local airport developments at tiyaking ang mga pondong inilaan noong mga nakaraang taon ay lubos na nagagamit at naisasalin sa mga operational na proyekto bago aprubahan ang mga bagong line items para sa 2027.

Samantala, nanawagan si Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito ng mas mahigpit na oversight at physical verification sa mga pangunahing infrastructure initiatives sa ilalim ng panukalang P300.96 bilyong 2027 budget ng DOTr, at iginiit na ang pagkaantala ng mga proyekto ay nagpapataw ng hindi kinakailangang pinansiyal na pasanin sa mga taxpayer.

Binigyang-diin ni Ejercito na sinusukat ng mga commuter ang tagumpay ng transportasyon sa pamamagitan ng aktwal na pagpapabuti sa kaligtasan at oras ng biyahe at hindi sa budget appropriations, at kailangang resolbahin ang paulit-ulit na right-of-way issues at alitan sa pagmamay-ari ng lupa na nagpapabagal sa konstruksyon.

“We no longer want taxpayers waiting on huge allocations only to experience repeated delays, right-of-way problems, and revised completion dates. We are the ones paying for these through commitment fees and additional expenses whenever delays happen,” ani Ejercito sa parehong pagdinig ng Finance Subcommittee A.

Binigyang-diin pa niya na mahalaga ang modernisasyon ng transportation networks, partikular na ang railways, airports, at seaports, para sa pangmatagalang economic growth, paglikha ng trabaho, at pagpapalawak ng kaunlaran sa kanayunan. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here