SAN GUILLERMO, Isabela- Pinaglalamayan na sa ngayon ng kanyang kamag-anak at pamilya ang isang misis matapos na pagsasaksakin ng kinakasama sa Purok 3, Brgy. San Antonio, Delfin Albano, Isabela.
Ayon kay PMaj. Angelo Pagulayan, hepe ng Delfin Albano Police Station, naisampa na nila ang kasong homicide laban kay Ferdie Catembung, 43-anyos matapos niyang pagsasaksakin hanggang sa mapatay ang kanyang kinakasama na si Grace Agas, 45-anyos na kapwa residente sa naturang lugar.
Nag ugat ang pag-aaway ng suspek at biktima matapos umanong tangkain ng biktima na agawin ang cellphone ng suspek.
Napag-alaman umano na mayroong itinatagong ka-text o nililigawan ang suspek kung kaya’t tinangkang agawan ng biktima ng cellphone.
Dahil sa hindi pagkakaunawaan ay pinagsasaksak ng suspek na si Catembung ng 31 beses ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Isa sa sinisilip na dahilan ngayon sa krimen ay selos dahil umano sa mayroong inililihim ang biktima.
Matapos ang krimen ay nagsumbong umano ang suspek sa isa sa kanilang kaanak bago sumuko sa PTU ng Barangay San Antonio sa nasabing bayan.
Si Grace ay ikatlo na sa mga naging karelasyon ng suspek na loverboy. Rey Velasco