Home NATIONWIDE Japan nagbukas ng scholarship applications para sa Japanese studies, teacher training

Japan nagbukas ng scholarship applications para sa Japanese studies, teacher training

MANILA, Philippines- Nagbukas ang Embahada ng Japan sa Pilipinas ng aplikasyon nito para sa Japanese Studies and Teacher Training category ng 2025 Japanese Government (Monbukagakusho) scholarship.

Sa pamamagitan ng Japanese embassy sa Manila, inanunsyo ng Japanese government ang pagbubukas ng scholarship programs, araw ng Biyernes, Disyembre 27.

Ang mga aplikante ay dapat na Filipino citizen para sa parehong programa.

Para sa Japanese Studies, ang mga aplikante ay dapat na wala pang 30 taon sa April 2, 2025 at kasalukuyang naka-enroll sa undergraduate level at may pangunahing kurso sa larangan na may kinalaman sa Japanese language at/o Japanese culture.

“They must have majored in a field related to Japanese language or culture for a total period of at least one year as of Sept.1, 2025,” ayon sa Embahada.

Para naman sa Teacher Training, ang mga aplikante ay dapat na wala pang 35 taong gulang sa April 2, 2025 at dapat ay mayroong limang taon na teaching experience sa elementary o secondary educational institutions hanggang noong Oct. 1, 2025.

Dapat ay kasalukuyang nagtatrabaho ang mga ito bilang guro sa isang elementary o secondary school.

Ang application forms at iba pang impormasyon ay maaaring makita at ma-download mula sa Embassy website.

Pinaalalahanan naman ng Embahada ang mga interesadong aplikante sa deadline para sa pagsusumite ng aplikasyon, ito ay sa darating na Pebrero 14, 2025 (Biyernes).

“Only physical documents mailed through courier or hand-delivered to the Embassy will be accepted,” ang winika pa ng Embahada.

Samantala, ang mga programa ay nasa ilalim ng Japan Information and Culture Center (JICC) ng Embahada. Kris Jose