Home NATIONWIDE Misis ng mga PDL na nagreklamo sa CHR, ilang beses nang sumailalim...

Misis ng mga PDL na nagreklamo sa CHR, ilang beses nang sumailalim sa strip search – Catapang

MANILA, Philippines – “Bakit ngayon lang?”

Ito ang tanong ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. kaugnay sa reklamong isinampa sa Commission on Human Rights (CHR) ng asawa ng ilan persons deprived of liberty (PDLs) at political prisoners sa naranasan na strip search sa pagbisita sa New Bilibid Prison (NBP).

Nadiskubre ni Catapang na ilan beses nang pumipirma sa waiver ang mga nabanggit na complainant tuwing dumadalaw sa NBP.

Ang complainant na si Gloria Almonte ay nakapirma na sa waiver ng 14 na beses na nangangahulugan aniya na handa naman ito na sumailalim sa masinsinan na inspeksyon.

Ang isa pang complainant na si ‘Maricel’ ay pumirma na rin ng waiver ng labing isang beses.

Iginiit ni Catapang na istriktong ipinatutupad ang strip search sa lahat ng prisons at penal farms dahil maraming bilang ng mga bumibisita ang nagtatangka na magpasok ng mga kontrabando.

Sa datos ng BuCor mula October 2023 hanggang March 2024 nasa 30 bisita ang nahuli na nagpupuslit ng mga ipinagbabawal gaya ng iligal na droga na inilalagay sa kanilang ari o itinatahi sa kanilang underwear.

Salig sa Bucor Operating Manual hinggil sa visitor control, ang mga babaeng bumibisita ay kinakapkapan ng mga babae na corrections officers sa pribadong lugar na may permiso ng bisita mismo.

Muling iginiit ni Catapang ang apela nito para sa dagdag na budget upang makabili ng full body scanner machines kapalit ng strip search. Teresa Tavares