Home NATIONWIDE Misis ni Harry Roque nagpasaklolo sa SC kaugnay ng arrest order sa...

Misis ni Harry Roque nagpasaklolo sa SC kaugnay ng arrest order sa kanya

MANILA, Philippines- Hiniling sa Supreme Court ni Mylah Roque, asawa ni dating spokesman Harry Roque, na manghimasok na sa contempt at arrest orders na inilabas laban sa kanya ng House of Representatives quad committee contempt and arrest orders.

Naghain sa SC ng petition for certiorari and prohibition si Mylah laban sa tinawag nito na awtokratiko at kapritsoso na pagpapakita ng kapangyarihan.

Ang mag-asawang Roque ay ipinatawag ng komite kaugnay ng imbestigasyon nito sa ilegal na operasyon ng mga POGO kung saan sinasabing may koneksyon ang dating tagapagsalita ng Palasyo.

Nais ni Ginang Roque na gamitin ng Supreme Court ang kapangyarihan nito na pag-aralan kung nakagawa ng grave abuse of discretion ang Quad Comm.

Nakasaad sa petisyon ni Mylah na ang arrest order ng Quad comm ay banta sa kanyang “right to travel” at ang ipinataw sa kanya na contempt ay paglabag sa due process dahil wala namang subpoena na inisyu sa kanya para patawan ng parusang contempt.

Nalalabag na rin umano ang kanyang right to privacy dahil maging ang kanyang medikal na kondisyon ay sinisiyasat ng quad comm.

Sina Harry at Mylah ay napaulat na nasa labas na ng bansa. Si Mylah ay sinasabing nasa Singapore para magpagamot habang si Harry ay napaulat na nasa Abu Dhabi.

Sinabi ni Mrs. Roque, dating trustee ng Pag-IBIG Fund, na regular siyang tumatalima sa mga kahilingan ng quad committee ngunit tuwing nagsusumite aniya siya ng mga medical document ay biglang nag-iiba ang hinihinging dokumento ng naturang komite. Teresa Tavares